Martes, Nobyembre 4, 2014

Panghambambuhay na Pangarap



Isinalin sa wikang Filipino mula sa "Dream of a Lifetime"
Ulat ni Abdulmalik Angelo. B. Carpio
Philippine Media Representative, Hajj Season 1435 / 2014 
para sa Embahada ng Kaharian ng Saudi Arabia sa Pilipinas
at Muslim Affairs Council of the Philippines (MACPHIL)


Sa Ngalan ng Allah ang Pinakamapagpala ang Pinakamahabagin

Assalamu alaikum wa rahmatullahi wa barakatuh.

Swerteng maituturing, kasabay ng aktuwal na karanasan ng mamamahayag na ito sa banal ng lungsod ng Makkah, ang pagkakabasa ko sa headline ng isang dyaryo sa Saudi “Panghabambuhay na Pangarap”. Bunga ng pagkamangha sa napakagandang titulong iyon na para sa akin ay siyang pinakaperpektong salita para sa isang manunulat, mamamahayag o pangkaraniwang tao  na maglalahad ng kanyang hindi malilimutang karanasan upang gawing pamagat, magpapauna na siguro akong umamin ng pangongokpya kung sakali man. Oo, “Panghabambuhay na Pangarap” ang nais kong gawing pamagat sa ulat o artikulong ito.

Ang taong 2007 ay taon na hinding-hindi ko malilimutan sa aking personal na buhay paglalakbay – ang pagkakataong makarating sa Banal na Lungsod ng Makkah. Doon ay aking napagtanto na ang biyaya ay may literal at aktuwal na kahulugan. Isang kagalakang mabiyayaan na makita ang tahanan ng Allah. Alhamdulillah!

Eksaktong pitong taon makalipas, ang manunulat na ito’y muling naimbitahan sa ikalawang pagkakataon upang masaksihan ang mga pagbabago sa kasaysayan ng relihiyon at sibilisasyon. Sa pangunguna ng Minstry of Culture and Information sa pakikipagtulungan ng Royal Embassy of Saudi Arabia sa Pilipinas, ako, kasama ng  limampo’t limang mga bisita ng Tagapangalaga ng Dalawang Banal na Mosque ay lumipad patungong Saudi Arabia bilang Pambansang Kinatawan sa larangan ng Pamamahayag para sa 2014/1436 Hajj season.

Ang Hajj ay isa sa haligi ng Islam. Pero sa Pilipinas lalo na sa mga Pilipinong Muslim, ang Hajj ay katuparan ng pangarap. Katuparang aking nakamit hindi lamang isang beses manapa’y sa ikalawang ulit at pagkakataon! Alhamdulillah!

Kung tutuusin, pambihirang pagkakataon para sa isang ordinaryong tao katulad ko mula sa malayong bansa sa Timong Silangang Asya ang mabigyan ng pagkakataon hindi lamang mabisita kundi’y maging panauhin ng kaharian ng Saudi Arabia. Isang pambihirang karanasan.

Akalaing makita ang tahanan ng Allah ng harapan sa eksakto nitong lugar kung saan ang Propeta (Mapasa Kanya nawa ang Kapayapaan) ay nagdarasal, katulad ng mga pagdarasal at pasisikap ng mga Muslim mula sa henerasyong nagdaan at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan na isinasagawa, ipinagdiriwang at ginugunita. Katotohanan, walang katumbas ang Lungsod ng Makkah saan mang panig ng mundo!

At akalain ang pagkakataon na dumalo sa pagtitipunan ng mga mamamahayag na Muslim mula sa ibat-ibang bansa para sa isang espesyal na okasyon/paguulat na may kinalaman sa pananampalataya. Isang walang katumbas na karanasan ng pakikisalamuha at kapatiran kaugnay ng propesyonng pinanghahawakan.

Hindi ito imahinasyon. Hindi pangarap lamang. Alalaong baga’y isang katuparan na marapat na ibahagi….at ito ang aking paglalakbay tungo sa Panghambambuhay na Pangarap!
 
Ang mga Inteneraryo

Pagkarating palang sa King Abdul Aziz International Airport sa Jeddah, (ang pandaigdigang paliparan para sa mga maghaHajj) isang malaki at modernong paliparan ang sumalubong sa akin. Doon ay naghihintay na ang staff ng Ministry upang alalayan ako, saglit na pagpahingahin at painumin ng tsaa sa kanilang opisina sa airport at kinalaunan ay inihatid gamit ang isang magarang sasakyan papunta sa aking akomodasyon. Isang Five star hotel ang naghihintay na akomodasyon pala sa akin sa Marriott Hotel Jeddah kung saan magbubukas ang pintuan para sa aking pangarap na panghabambuhay.

Matapos makipag-ugnayan sa tanggapan na inilagay sa mismong hotel para sa mga bisita ng Ministry, malugod akong inihatid sa aking kwarto upang magpahinga mula sa maghapong paglalakbay. Isang marangyang almusal ang nakahain kinaumagahan sa isang restaurant sa mismong hotel sa mezzanine ng Marriott na siyang nagsilbing five-star na kusina para sa aming araw-araw na pagkain. Masarap ang mga pagkain at tunay nga namang ubod ng rangya.   

Umrah (o pagbisita sa Makkah) ang unang schedule para sa araw na iyon. Hapon na ng ihatid ako ng isang pagkalaki-laking bus (oo, ako lang magisa at sa isang bus!) kasama ang isang staff ng Ministry at isang masayahing Indonesian driver. Nakalulungkot nga lamang at pawang hindi marunong magsalita ng Ingles ang dalawang kasama ko. Dahil dun, naperpekto ko siguro ang talbiyah mula Jeddah hanggang Makkah. Subhanallah! 


Ang service Bus ng Ministry of Culture and Information
Pansin ko ang istriktong pagpapatupad ng batas at kaayusan mula sa mga checkpoints at outposts na itinayo para sa seguridad ng mga pilgrims. Makikita ang mga pulis kahit saan at ang mga dokumento gaya ng permit at ilang papeles ay maingat na binubusisi.

Pagkarating na pagkarating sa Makkah, sinalubong kami ng isang staff na nakatalaga sa ELAF ALMASHAER HOTEL na nagsisilbing satellite office ng Ministry ‘di kalayuan sa Masjid Al Haram. Mula doon, binigyan ako ng tagubilin na bumalik sa opisinang iyon sa hotel pagkatapos kong maisagawa ang umrah. Buong giIas kong binagtas ang daan patungo sa lugar ng Kaabah magisa na animo’y kabisado ang lansangan nito.

Pagkamangha ang aking naramdaman sa ganda at grandiyoso ng Kaabah; “handa ka na bang makita ang Kaabah?” Tanong ng staff ng Ministry sa akin kanina. Akala ko’y dahil sa pangalawang pagkakataon ko na ito ay hindi na ako mabibigla pa. Ngunit sabik akong makita itong muli sa totoo lang. Sino ba ang hindi?

Tunay nga namang hindi nito binibigong pamanghain ang kahit sino, lalo na yaong palagiang naghahangad ng pamamatnubay. Parang laging first time kumbaga. Aaminin kong naluha ako pagkakita pa lang sa mataas na torre na may malaking orasan habang nasa kalasada patungong Makkah (palatandaan na kasi iyon na malapit ka na sa Baitullah). Subalit nang ihakbang ko na ang aking paa sa pintuan ng Makkah, ramdam ko ang hindi maipaliwanag na pananabik.

Dati, sa pag apak mo palang sa pintuan ng Makkah, tanaw mo na kaagad ang Kaabah. Ngunit dahil na rin sa mga konstruksiyon upang palawakin ito ay lalong nadadagdagan ang pananabik ninuman upang hanapin ang pinakamainam at pinakamagandang lugar sa buong mundo – ang Tahanan ng Allah, ang Kaabah. 

Ang walang kasing gandang Kaabah
Hindi ang masakit sa mata at nagtatayugang cranes sa paligid nito ang makasisira ng ganda ng “baitullah” ito pa rin ang Kabbah mula sa panahon ni Propeta Abraham (A.S.) at syempre ang Kaabah noong kapanahunan ni Propeta Muhammad (SAWS). Pinaghalong ganda ng nakalipas at modernong panahon – pagsisikap na dapat ay ipagpasalamat ng mga Muslim sa pamunuan ng gobyerno ng Saudi sa pangunguna ng Tagapangasiwa ng Dalawang Banal na Mosque.

Ginhawa at kaayusan ng mga nagpipilgrimahe marahil ang pangunahing dahilan kung bakit hindi tumitigil ang pamahalaan ng Saudi sa pagiisip at pagpaplano sa pagpapalawak ng Grand Mosque. At palagay ko’y napangatawanan naman nila. Maginhawa kong naisakatuparan ang aking Umrah sa ilang saglit lamang.    

Kasabay ng pagdarasal ng Isha ay natapos ko rin ang ritwal ng umrah. Bumalik ako sa tanggapan ng Ministry sa hotel at mula doon ay magalang na inihatid sa bus upang bumalik sa Marriott Hotel sa Jeddah.

Ang napakatayog at magandang Clock Tower o ang Abraj Al-Bait
(Mecca Royal Hotel Clock Tower)
Ikalawang araw, ayon sa programa, kasama nang ngayon ay kumpleto ng delegado ng mga kinatawan ng media sa ibat-ibang bansa, muli kaming sinamahan ng mga staff ng Ministry pabalik sa Makkah kung saan naroon ang museo na kung tawagin ay “Kapayapaan Sa’yo, oh Propeta”. Ito ay isang inter-active museum kung saan makikita ang mga miniature replica ng lumang Makkah at Madinah kasama na ang family tree ng mahal na Propeta (SAWS) kabilang na ang kanyang mga katangian na naka- display para sa impormasyon at pagaaral.

Ilang replica rin at mga aktuwal na sandata kasama na ang mga kasuotan, kagamitan at ilang bagay na ginamit ng Propheta (SAWS) ang makikita. Matapos magalugad ang kabuuan ng museo, pinatuloy kami sa isang guest room na may nakahandang dates, tsaa at ilang inumin  bilang meryenda. Ilang saglit pa’y, isang kawani ng museo ang naganunsiyo na humanda raw kami sa pagdating ng mismong may-ari ng museo upang personal kaming makaulayaw. Ang sana’y simpleng meet and greet ay nauwi sa isang mini-press conference na malugod namang pinaunlakan ng may-ari. Doon na nagtapos ang aming araw at muli kaming inihatid pabalik sa aming hotel sa Jeddah kung saan isang Press Center ang nakahanda at nagsisilbing opisina at communication center na talaga namang lalo pang nagpagaan sa aming trabaho .  

Ang Museo ng “Kapayapaan Sa’yo, Oh Propeta”


Mga larawan mula sa loob ng Museo

Ang may-ari ng museum na malugod na tumanggap sa mga kagawad ng media.
Mga kinatawan ng Media mula sa ibat-ibang bansa.

Ang Media Center sa Marriott Hotel
Ang Islamic Development Bank (IDB) ang sumunod naming binisita kinabukasan sa Headquarters nito sa Jeddah. Isang Press Conference sa pangunguna ng Pangulo ng IDB Group na si Dr. Ahmad Mohamed Ali ang siyang nagpasinaya ng nasabing PressCon. Ipinaalam sa mga kinatawan ng media, mula sa ibat-ibang bansang Islamiko ni Dr. Ali ang tungkol sa Saudi Project for Utilization of Hajj Meat na siya umanong pinapangasiwaan ng IDB, ay ipinapakilala sa kauna-unahang pagkakataon ang sistemang Adahi Mobile Point of Sale. Layunin umano nito na maging maginhawa para sa mga nagpipilgrimahe at sa mga interesadong bumili ng Hady, Fidya, Odhiya, Sadaqa o Aqeqa.

Ipinaliwanag rin ng Pangulo ng IDB na ang proyekto ay dinisenyo upang maging madali sa mga nagsasagawa ng pilgrimahe ang ritwal nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga hayop na kakatayin na tumutugon sa sharia at ilang pangkalusugang batayan at upang masiguro na rin na protektado ang kalikasan sa paligid ng mga banal na lugar.

Nabigyan ako ng pagkakataon na magtanong tungkol sa mga espesipikong paraan upang masawata ang mga illegal at random slaughtering activities at kung paano sila nakikipagtulungan sa mga kinauukulan upang lubos na magabayan ang mga nagsasagawa ng pilgrimahe. Ikinatwiran ni Dr. Ali ang Royal Decree 131 of 15/6/1419H (5/10/1998) na kung saan ay opisyal na idinideklara umano na ang tanging institusyon na otorisadong magbenta ng Adahi coupons ay nakatalaga lamang sa Saudi Arabia Project for the Utilization of Hajj Meat. Idinagdag pa ng huli na ang pagpapatupad ng batas laban sa mga illegal na aktibidad na may kinalaman hinggil dito ay mahigpit na ipinapatupad sa pakikipagtulungan ng mga pulis. Hinikayat rin niya ang media na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa proyekto.

Binigyang diin din ng Pangulo ng IDB na ang lahat ng hayop na kakatayin ay nasuri ng mga beterinaryong duktor at Sharia scholars upang masiguro na tumutugon ang mga ito sa Sharia at lahat ng batayang pangkalusugan. Ang nasabing okasyon ay dinaluhan din ng ibat-ibang news agencies sa Jeddah.

Press Conference sa IDB kasama ang mga Media representatives mula sa ibat-ibang bansa
Isang buong araw na nagpahinga ang delegasyon upang maghanda sa pinakamalaking coverage ng taon, ang Hajj coverage 1435/2014.

Ang Hajj Coverage

Isang araw bago sumapit ang “Yaumul Arafat” (Araw ng Arafat), tumulak ang delegasyon patungo sa isang pribadong lugar ng Ministry of Culture and Information na espesyal na inihanda para sa media na nandoon sa Arafat. Isa itong lugar na kumpleto sa mga pasilidad na kailangan ng mga mamamahayag gaya ng media center na may desktop computers at wifi, tv studio, elevated rooftop tower para sa mas malawak na view ng Namira Mosque, quarters para sa tig-10 journalists kada kwarto, isang malaking dining room na kasya ang halos 300 katao, at syempre isang masjid. Doon ay nakasalamuha na rin naming ang karagdagan at mas malaking delegasyon ng mga mamamahayag.

Lubha akong namangha sa malaking pagtitipong ito ng mga Muslim na kinatawan ng media mula sa ibat-ibang Islamikong bansa sa buong mundo. Hangad kong balang araw ay kasama rin ang Pilipinas sa mga maguulat sa kaganapang ito, gaya ng kung ano ang isinasagawa ng mga bansang Islamiko doon. Nandoon ako na may sarili ring coverage. Pinagmamasdan ang mga bansang Muslim habang nagbabalita tungkol sa Hajj sa kani-kanilang komunidad. Nandoon ako at nangangarap na balang araw ang Pilipinas ay makapaghahatid rin ng balita sa komunidad ng mga Pilipinong Muslim sa kani-kanilang tahanan habang nangyayari ang pambihirang kaganapang iyon. Nandoon ako at nananalangin para sa sariling Muslim network. Baka sakali, tutal nandoon nman ako sa Arafat kung saan ang dua ay tinatanggap inshaAllah.

Ang pinakamalaking pagtitipon ng mga mamamahayag na Muslim sa buong mundo.
Ang Media Center sa Ministry's Camp sa Arafat


Ang dining area sa Ministry's Camp sa Arafat

Ang Namira Mosque mula sa torre ng media center


Pagkalubog ng araw, tumulak naman kami patungong Muzdalifa. Isang hiwalay at eksklusibong lugar muli ang pinagdalhan sa amin. Doon ay pinalipas namin ang oras sa pagdarasal, pagkain  at pagkakarga ng baterya sa mga dala-dalang gatgets. Pumulot na rin kami doon ng mga maliliit na bato bilang paghahanda sa ramee or pagbato sa Jamarat. “Natutuwa akong ginagawa ito” sambit ng isang mamamahayag na kasama ko, “akalain mo, nakapaglilingkod ka na sa Allah, nakapaghajj at umrah pa habang nagseserbisyo publiko sa pagbabalita. Napakasarap na buhay, gustong-gusto ko ang trabaho kong ito!” dagdag pa niya.
 
Mga mamamahayag na Muslim sa Muzdalifa
Muli kaming lumipat sa isa nanamang banal na lugar na kung tawagin ay Mina. Isang maginhawang akomodasyon muli ang naghihintay sa amin na may kaparehong pasilidad na inihanda ng Ministry of Culture and Information para sa mga mamamahayag na nag-uulat sa kaganapan ng Hajj. Ang estratehikong lokasyon nito ay nagbigay pagkakataon sa amin na pagmasdan ang kabuuan ng Jamarat at ang mga kaganapan sa paligid nito. Dahil dito’y maginhawa rin naming naisagawa ang ramee or pagbato sa Jamarat (sa kabila ng lahat, Muslim pa rin naman ang buong delegasyon at hindi hahayaang lumampas ang pagkakataon na hindi makapaghajj at umrah).

Ang mga kagawad ng media habang abala sa pagkuha ng mga tagpo sa Arafat.
Ang kabuuan ng Jamarat mula sa Media Center


Kasabay ng pagtanggal ng ihram ay ang pagtatapos na rin ng ritwal ng Hajj, ngunit hindi sa mga mamamahayag na nakaantabay sa mga kaganapan. Nananatili kaming nakaabang sa bawat pangyayari sa pagtatapos ng okasyon. Saksi kami sa kagalakan ng mga haji na sa wakas ay nakamit ang habambuhay na pangarap. Muling gumiling ang kamera sa panibagong pakikipanayam sa mga nagsagawa ng pilgrimahe at ilang interesanteng kwento kasama na ang tila walang katapusang dagsa ng mga tao sa jamarat.   

Samantala, isang imbitasyon ang aming natanggap bilang pagkilala sa delegasyon ng media, (hindi lahat ng nasa delegasyon ay nakasama, mapalad akong mapabilang sa mga napiling dumalo) dignitaryo at ilang opisyal ng gobyerno mula sa ibat-ibang bansa. Isang kagalakan at karangalan na maimbitahan ng Tagapamahala ng Dalawang Banal na Mosque sa Mina Royal Palace.  Sa ngalan ng Kanyang Kamahalan, Haring Abdullah bin Abdul-Aziz Al Saud, si Crown Prince Salman bin Abdul-Aziz Al Saud ang sumalubong sa amin sa pamamagitan ng pakikipagkamay at salaam. Isang marangyang hapunan sa palasyo ang inihanda pagkatapos ng programa bago kami tuluyang bumalik sa kampo ng Ministry sa Mina.


Ang imbitasyon mula sa Hari ng Saudi Arabia
Nagtapos ang aming Hajj makaraan ang ilang ikot o tawaf sa Kaabah ngunit walang patid pa rin ang bilang ng mga tao sa paligid ng Makkah na animo’y kasisimula pa lang ng okasyon.  Muli kaming dinala sa Marriott Hotel sa Jeddah upang manatili ng ilang araw para sa susunod na huling hinto ayon sa programa – Madinah.  
  
Mga mamamahayag mula sa Pilipinas, Albania, Singapore, Thailand, Indonesia at Kyrgyzstan
 Madinah – Ang lungsod ng Propeta

Limang oras na paglalakbay rin ang aming binuno mula sa Jeddah patungo sa lugar na kung tawagin ay Madina al Munawarah. Lubog na araw nang kami ay dumating at magcheck-in sa isa nanamang marangyang akomodasyon sa Dar Al Iman Intercontinental Hotel kalapit lamang mismo ng Masjid al Nabawi. MashaAllah!

Pinayuhan kaming magpahinga at bisitahin na lamang ang Masjid kinabukasan upang maghanda sa panibagong programa.  Ngunit kasama ng ilang Asyanong mamamahayag, hindi namin mapapalampas na hindi makita ang kagandahan ng Masjid na katapat lamang ng gusali ng aming hotel.  Sabay-sabay kaming nagdasal ng Maghrib at Isha sa mismong lugar kung saan ang mahal na Propeta Muhammad (SAWS) kasama ang kanya mga Sahaba (Kalugdan nawa sila ng Allah) ay itinayo ang lungsod na habang-buhay na tatanggap at maglilingkod sa mga manlalakbay mula sa ibat-ibang nasyon. 

Ang kamangha-manghang Masjid Al Nabawi

Muling tinawag ang bawat isa sa amin para sa isa nanamang paglalakbay sa bahaging iyon ng Madinah. Sa loob lamang ng halos beinte minutos, nasa isang makasaysayang lugar muli kami ng pananampalatayang Islam. Ang bundok ng Uhud ang unang programa para sa araw na iyon.

Doon ay nakita namin ang himlayan ni Hamza (kalugdan nawa siya ng Allah) at syempre ang lugar sa bundok ng Uhud kung saan naganap ang digmaan sa pagitan ng mga Muslim at Paganong Quraish. Hindi na kinailangan pang saysayin sa amin ang tungkol sa lugar na iyon sapagkat malaon na itong batid ng lahat mula sa mga pagtalakay sa aklat at maging sa loob ng masjid.

Ang talampas sa Bundok ng Uhud

Masjid al Quba, ang kauna-unahang Masjid na itinayo ng Propeta (SAWS) ang pangalawa naming pinuntahan sa araw na iyon.  Nakarating na ako sa lugar na iyon ngunit masaya akong nakita ito muli.  Lahat kami ay nag-alay ng dalawang rakat doon sapagkat nabanggit ng Propeta (SAWS): “Sinuman ang maglinis ng kanyang sarili sa kanyang tahanan at tumungo sa Masjid Quba at maglaan ng dalawang rakat na panalangin doon, ay bibiyayaan ng gantimpala na katumbas ng Umrah.”

Ang Napakaganda at Makasaysayang Masjid Al Quba

Nanatili kami ng dalawang gabi at dalawang araw sa Madinah bago bumalik sa Jeddah Marriott Hotel. Alhamdulillah, nakapagsalah pa kami ng Jummah sa Madinah bago muling maglakbay pabalik.

Ang Pagtatapos               

Ang selebrasyon bilang pagtatapos ng Hajj sa ilalim ng pangangasiwa ng Kagalang-galang na Dr. Abdulaziz bin Mohiuddin Khoja, Ministro ng Kultura at Impormasyon para sa mga kinatawan , panauhin at delegado ng Media para sa Hajj season 1435 /2014 ay idinaos sa marangyang Hilton Hall sa Hilton Hotel Jeddah K.S.A. Dinaluhan ng mga delegado ng media (bilang mga panauhin) at mga kawani ng Ministeryo na nakilahok at umasikaso sa mga mamamahayag sa pagcover ng nasabing okasyon.

Isa-isang nagbigay ng talumpati ang mga kinatawan ng Asya, Europa at Gitnang Silangan bilang pasasalamat sa pagasikaso ng Ministeryo sa mga mamamahayag sa maayos at maginhawang pagsasakatuparan ng kanilang paguulat.

Ang selebrasyon sa Hilton Hall, Hilton Hotel sa Jeddah, bilang pagtatapos ng Hajj coverage 1435 /2014



Sa likod ng mga banta ng terorismo, pagkalat ng virus na ebola at ilang mga sigalot na nakakaapekto sa mga Muslim sa ngayon, hindi natinag ang mga Muslim mula sa ibat-ibang panig ng mundo upang maglakbay sa Banal na Lungsod ng Makkah bilang mga magpipilgrimahe para sa Hajj ngayong taon na ito. Isang pagtitipon na hindi kayang tumbasan saan man sa mundo.

Sinuong ang mga hamon ng suliranin, ang mga manlalakbay na ito ay nangagtipon upang isakatuparan ang ika-limang haligi ng Islam tungo sa ikalulugod ng Allah (SWT) at bilang pagtugon sa obligasyon sa pananampalataya na sumisimbolo sa maliwanag na katotohanan ng pagkakaisa ng Ummah.
                                                                                                           
Sa kanyang talumpati para sa mga manlalakbay sa Sagradong Tahanan ng Allah ang Pinaka Makapangyarihan para sa taong ito ng Hajj 1435 / 2014, Ang Tagapangalaga ng Dalawang Banal na Mosque Haring Abdullah Ibn Abdul Aziz Al Saud ay nagwika; “Ang Hajj ay pang-lima sa haligi ng Islam upang linisin ang mga  Muslim mula sa mga kasalanan, upang magsimula ng panibagong buhay na puno ng magagandang gawain at maisakatuparan ang malakas, at  makatotohanang bigkis ng kapatirang Islamiko sa kapwa nito muslim.. Sa panahon ng Hajj, ang mga Muslim mula sa ibat-ibang panig ng mundo ay nagkakaisa, sa kabila ng pagkakaiba ng kultura, kaugalian at maging sektang pangrelihiyon. Sa Hajj, sila’y magkakasama, na walang pagkakaiba sa pagitan ng Arabo, hindi-Arabo, itim o puti. Hajj ang nagbigkis sa kanilang lahat sa paniniwala sa Allah, na may malinis na damdamin at hindi hinahayaan si Shaytan na sirain ang dalisay na damdamin sa bawat isa.”

Ang paglalakbay sa mga banal na lungsod, lugar at mga ritwal ng Hajj sa Kaharian ng Saudi Arabia ay naging posible para sa nagiisang kinatawan na ito ng Pilipinas sa pagtulong at rekomendasyon ng Ministeryo ng Kultura at Impormasyon at ng Embahada ng Kaharian ng Saudi Arabya sa Maynila sa pamumuno ng Embahador ng Kaharian ng Saudi Arabia sa Pilipinas, His Excellency Abdullah Al Hassan.

Isang malaking karangalan at pribilehiyo na isinusumite ko ang ulat na ito: Panghabambuhay na Pangarap at karanasan kasabay ng pagasam na ang Ministeryo at Embahada ng Kaharian ay patuloy na sumuporta at tumulong sa pagpapadala ng mga delegadong Muslim mula sa Pilipinas sa ngalan pagkakapatiran at pagkakataon na masaksihan ang Islamikong pamamaraan ng pagtitipon-tipon at pagkakaisa ng bawat isang Muslim sa paglilingkod sa Allah (SWT).  

Makakaasa kayo na ang Media Department ng Muslim Affairs Council of the Philippines (MACPHIL) ay mananatiling kaisa sa pagpapakalat ng impormasyon para sa kapakanan ng mga Pilipinong Muslim tungo sa pagtuturo at pagpapaunawa sa mga susunod na bisita, magpipilgrimahe at espesyal na panauhin ng taunang okasyon.

Tanggapin nawa ng Allah (SWT) ang mga dua/panalangin ng mga naglakbay kasama na ang mga naging daan at dahilan upang maging madali para sa kanila ang pagsasakatuparan ng Hajj at Umrah inshaAllah. Hajj Mabroor! Allahuakbar! Allahuakbar! Allahuakbar!


Si KaYaKap na Abdulmalik Angelo Carpio bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Hajj Coverage 1435/2014
Mga panayam mula sa kapwa mamamahayag kaugnay ng Hajj Coverage 1435/2014












   





Sabado, Oktubre 25, 2014

Buhay Balad



Minsan na naming naisulat ang mga kamangha-manghang pakikipag-punyagi ng ating mga kapatid sa larangan ng dawah sa mga pampublikong lugar. Sa Pilipinas bilang halimbawa, ang aming artikulong “Ang Dawah sa Luneta” (http://yakapnapilipinas.blogspot.com/2013/12/ang-dawah-sa-luneta.html ) ay naglahad ng mga mumunting pagsulyap sa mga tagpo ng pagsisikap ng ating mga kapatid na maiparating ang dalisay na aral ng pananampalatayang Islam.  Dito’y aming naisalarawan ang mainam na pagtutulungan ng mga kapatid sa paganyaya maging ang pakikipagtalastasan sa mga ka-ibayo sa pananampalataya hinggil sa mga paksang may kinalaman sa comparative na pagaaral at paghahambing-tema ng mga kaugalian sa pagsunod at pagsasabuhay ng pananampalataya.  

Tunay ngang ang pagpapalaganap sa pamamagitan ng pagaanyaya sa katuruan ng Islam ay hindi na lamang limitado sa mga nakagawiang medium. Isa ang street dawah o gawaing isinasagawa sa mga pampublikong lugar ang pinakamainit na sinusubaybayan at sinusoportahan ng ating mga kapatid sa kasalukuyan…at hindi nagpapahuli ang ating mga kapatid na OFW sa pagtamasa ng laksa-laksang biyayang ito sa larangan ng dawah.

Ang Saudi Arabia bilang Islamikong bansang maituturing na sentro ng lahat ng mga gawain, pagaaral at pagpapalaganap ng Islam ay kabilang rin sa mga masugid sa mga pagpupunyaging may kinalaman sa pagpapayaman at pagyabong ng kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa katotohanan at kaligtasan.

Pinalad ang KaYaKap na marating ang lungsod ng Jeddah mula sa isang matagumpay at maluwalhating paglalakbay upang isagawa ang ika-limang haligi ng Islam – ang Hajj. Sa piling ng mga kapatid na muslim sa Jeddah, aming nasaksihan na sa Pilipinas man o maging sa Saudi Arabia, buhay ang dawah!

Ang mapa ng Saudi Arabia
Tinatayang may humigit kumulang na isang milyon at walong daan libong magagawang Pilipino ang kasalukuyang nasa bansang ito. Ang manggagawang Pilipinong nasa Saudi ang kumakatawan sa pinakamalaking populasyon ng Pilipino sa Gitang Silangan.  Pinoy rin ang pang-apat sa pinakamalaking grupo ng mga dayuhang nasa bansang ito. 

Ang Saudi Arabia bilang pangunahing bansa na kumukuha ng serbisyo para sa mga Pilipinong mangagawa ay siya ring pangunahing pinagkukunan ng pananalaping panlabas na bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit hindi ito kuwento tungkol sa OFW o buhay pinoy sa ibayong dagat, manapa’y kuwento ito ng mga Pilipinong Muslim sa Gitnang Silangan.

Ang Al Balad Islamic Center at Masjid
Ang Balad Islamic Center ay isa lamang sa tinatayang sampung malalaking Islamic Centers sa Jeddah na may mga Pilipinong boluntaryong nakikipagsapalaran sa paghahatid ng mensahe at katuruan ng Islam. 

Kamangha-manghang sa kabila ng kawalan ng sapat na pondo upang isagawa ang lingguhan kung hindi man araw-araw na mga aktibidad nito, patuloy pa rin ang pagsusumikap ng mga kapatid na itaguyod ang mga gawaing para sa kanila ay tanging sa ikalulugod lamang ni Allah (SWT).

Katulad ng ibang mga Islamic Center, ang Balad Islamic Center ay may mga isinasagawang pagaaral din para sa mga Pilipino. Saksi ang KaYaKap sa pagtanaw sa mga masusugid na magaaral sa lugar na ito. Tuwing biyernes ang day-off sa bansang ito kaya naman biyernes din ang mga gawaing patungkol sa pagaaral at dawah.

Masasabing kumpleto ang mga aktibidad sa center na ito. May tranaslator ng qutbah pagkatapos nito, may mga guro para sa ibat-ibang kaalamang pang islamiko, men, women, children sections, beginners, advance at maging para sa mga bagong yakap. May mga programa rin para sa hajj at umrah, maging ang pagbisita sa mga kumpaya at organisasyon, programa sa buwan ng ramadhan, ganun din ang mga malawakang gawain para sa dawah. 

Ang Masjid sa Balad
Ang Balad  Shopping Center, Gusali ng Corniche Commercial Center
Maituturing na sentro ang Balad sa mga gawaing paganyaya o dawah. Ang Balad Commercial Center ay maaaring ihambing bilang Divisoria o Cubao ng Jeddah. Dito ay maaring mamili ng ibat-ibang bagay, pasalubong man o para sa pangaraw-araw na pangangailangan. Matatagpuan rin sa lugar na ito ang mga pook pasyalan, kainan at serbisyo gaya ng remittance center, bangko at marami pang iba.

At dahil nga sa pagiging sentro nito bilang malawak na pamilihan sa lungsod, hindi mawawala ang mga pangunahing parokyano…ang mga Pilipino! 


Mga pinoy sa Balad

Sikat ang mga pinoy sa Balad. Bukod sa bilang nila na lubhang marami talaga kumpara sa ilang mga grupo ng dayuhang naninirahan at nagtatrabaho sa lugar, itinuturing nang teritoryo ng mga Pilipino ang Balad kung saan bawat sulok at makakasalubong mo sa daan ay pawang mga kababayan.

Isa lamang ang Tagaytay restaurant sa mga kainang pinoy sa Jeddah
Oportunidad na maituturing para sa mga kapatid ang pagdagsa ng mga kababayang namamasyal sa Balad. Para sa Balad Dawah Team – isang grupo ng mga Pilipinong daee, ang Balad ay isang malawak na dagat na punong-puno ng mga isda. Hindi ka na lalayo pa! Sapagkat sa pampang pa lamang kumbaga ay maaari ka ng mamingwit ng walang kahirap-hirap.

One on one dawah sa Balad kasama ang isang kapatid mula sa Balad Dawah Team
Tuwing biyernes pagkatapos ng salah sa maghrib nagsisimula ang programa. May lugar para sa pagdarasal sa labas, mismong gitna at pinakasentro ng mall sa Balad ang siyang ginagamit nila upang pagdausan ng programa. Matapos pakiusapan ang imam, malayang magagamit ng mga kapatid ang sound system sa lugar na iyon upang ipamahayag ang pagimbita sa katotohanan.

Sistematiko ang approach. May uniporme, ID at abiso o permit sa kinauukulan ang mga kapatid bago lumarga. Umaga pa lang ay handa na ang mga ipamimigay na pamphlets at ang kahon (na dati ay sa kahon lang ng sapatos) lalagyan ng “papel de tanong” para sa question and answer portion. Nakakatuwa dahil sa bawat mabubunot na tanong eh may regalo kang load! (10 SAR Sawa/Mobily) Malaking bagay na rin sa ating mga kababayang OFW bilang pamatid-lungkot at pantawag sa mga mahal sa buhay sa Pinas. 

Malaking tulong ang mga pamamaraang gaya nito upang makaakit ng mga kababayan na makinig sa pamamahayag hinggil sa katuruan ng islam.
Ang Dawah Team Balad ng Jeddah
Tawag-pansin ang grupong ito ng mga muslim sa Balad. Sa simula pa lang ay interesante na sa mga kababayan. Bukod kasi sa nagtatagalog ang nagsasalita sa mikropono, maaari ka pang makipagkwentuhan sa mga kapatid na namimigay ng babasahin. Iwas inip na rin kung may hinihintay o kung hindi pa dumadating ang kausap. May bonus pang load pantawag. Ika nga ng mga kapatid sa Team Balad: “Nagkaload ka na, natuto ka pa!”

Hindi bababa sa apat ang yumayakap pagkatapos ng pamamahayag na iyon tuwing biyernes ng gabi sa Balad. Kumikitang gawain para sa kabilang buhay. Saglit na paglalaan ng panahon kung maituturing para sa mga kapatid nating hindi ipinagkakait sa kanilang sarili ang biyayang matatamasa mula sa pagsusumikap sa larangan ng dawah.  Silang mga hindi madamot sa kapwa sa pagpaparating at paganyaya. Silang mga nakakahigit at nakakainggit sa paggawa ng kabutihan.

Tagpo matapos ang pagYakap ng isa nating kababayan.

Sa magkabilang dulo ng milya-milyang paglalakbay ay ang katotohanang sa landas ng dawah para sa Allah, sa pagitan nito’y nagdurugtong ang nagkakaisang adhikaing ipalaganap ang kagandahan at katotohanan ng tunay na pananampalataya tungo sa walang hanggang ligaya at kaligtasan.  

Ang mga Pilipinong mangangaral sa Pilipinas man o sa ibang bansa ay nananatiling pagasa tungo sa pagsulong at paningas ng liwanag sa pagpapayabong ng kaalaman at paghahatid ng kaligtasan mula sa kadiliman at kamangmangan. Sa mga magkakaibang estratihiya o pamamaraan ng paganyaya gaya ng pagbibigay ng tatlong kilong bigas (eksena sa Pilipinas) at libreng load (eksena sa Jeddah) na premyo sa bawat tanong, ay nasasalamin ang magkakaparehong intensiyon. Hindi nagkakaiba ng layon...






Saksi ang KaYaKap sa mga pakikipagpunyaging ito. Mula sa mga walang pamasaheng daee ng Pilipinas na literal na nagpipiga ng kupya (kasuotan sa ulo) gutom at walang trabaho, hanggang sa mga daee ng Saudi Arabia na kakarampot ang sweldo, malayo sa pamilya at ang tuwing biyernes na ginugugol sa dawah na sana ay laan sa kanilang pamamahinga ngunit mas piniling maglingkod sa Allah, tunay na ang pamamaos ng kanilang tinig, pamamaltos ng kanilang mga paa at pagkabutas ng bulsa ay may kapalit at tiyakang naghihintay na biyaya. Humahanga kami sa inyo mga KaYaKap!

Ang dalawang Jamil ng Balad Dawah Team
Sadyang may kakaibang ligaya ang hatid ng paglilingkod kay Allah (SWT). Kaligayahang dama dito sa dunya at mas higit na matatamo sa akhirah.  Sa mga pagpapagal, sakripisyo at hirap, walang pagtangis ang hindi tutumbasan ng ligaya at sarap.

Sa ngalan ng lahat ng mga nakatunghay at patuloy na sumusubaybay sa inyong mga pagsusumikap, sa ngalan ng mga taong nakabahagi ng iyong mga sakripisyo at kabutihan, sampu ng mga taong nakatuwang at pawang mga nagabayan. Maraming-maraming salamat mga kapatid. 

Pagpalain nawa kayo ng Dakilang Lumikha at Mabuhay kayo mga KaYaKap!

Mula sa manunulat:

Personal na pasasalamat sa mga kapatid sa Balad Islamic Center ang aming ipinahahatid sa lubos na pagaasikaso at pagmamahal na inukol ninyo sa aming pananatili sa Jeddah. Loobin nawa ng Dakilang Lumikha na magkasama-sama tayong muli inshaAllah.

Para samga kapatid, kababayan, mga nagsusuri o may mga katanungan hinggil sa Islam na papunta o nasa Jeddah, KSA, iniimbitahan po namin kayong dumalaw sa tanggapan ng Balad Islamic Center. Maaaring tawagan si kapatid na Jamil Oti sa numerong: 0501375318. 

Karagdagan at espesyal na pasasalamat kina: Ustad Muhammad Amin Rodriguez, Ustad Ahmad Peradilla, Ustad Alimuddin (Clive Channel), Ustad Abdul Wahid Gabugatan, Sheik Ali Abdullah Lumanog, Sheik Abdul Hadie, Ustadz Omar Bobis, Bro. Jamil Devoted Islam, Sheik Jamil Oti, Sheik Harun Sanchez, Aleem Omar Sultan sa Unayan, Bro. Abu Jibreal Camon, Bro. Ibrahim Pagdanganan, Bro. Muhammad Faris Diaz, Bangsa Moro (Alyumie Ayeshah Odin), Saleh Censhon Daquilog Ipulan, at maraming iba pa.

Maraming-maraming salamat po mga kapatid. Jazakumullahu khairan!






Sabado, Enero 25, 2014

Ang paglalakbay ni kapatid na Omar
(The Jeffrey "Omar" Bobis Story)


“A journey of a thousand miles starts with the first step.”

Madaling araw noon ng tinahak ko ang madilim na lansangan marating lang ang kabayanan papunta sa terminal ng bus patungong Maynila.  Hindi ko alam kung saan ako pupunta at ano ang dadatnan ko doon, ang mahalaga’y makaalis ako sa amin…tumakas sa mga sama ng loob na aking kinikimkim.

Manok ang naging daan upang makabili ako ng pamasahe. Mga alaga kong mas may pakinabang pa kaysa sa inaasahang pagmamalasakit ng mga kamag-anak. “Toy, san ka?” narinig kong tanong ng kunduktor ng bus matapos kong umakyat agad ng bus at maupo. Hindi ako nakasagot sapagkat hindi ko rin alam kung saan ako pupunta. “Sinong kasama mo, ikaw lang? Nagpaalam ka ba sa magulang mo?” Sunod-sunod na tanong ng kunduktor sa akin. Sa isip ko, kapag hindi ako sumagot ay maaaring pababain ako ng bus at pauwiin sa amin. Alabang ang nakita ko sa signboard ng bus kayat Alabang din ang aking naitugon. Iniabot sa akin ang ticket at iniabot ko rin naman ang pambayad, ilang saglit pa’y ang pag-arangkada ng bus. Nakatanaw ako sa bintana ng aking sinasakyan subalit ang nakikita ko’y ang mga naging dahilan ng aking paglisan...

Si Jeffrey Bobis noong nag-aaral sa Baguio.
Katatapos ko pa lang ng high school ng yakapin ko ang Islam dahil na rin sa pagtitiyaga ng aking ate na nagtatrabaho sa Saudi na padalhan ako ng mga babasahing islamiko. Noong una’y masigasig ako sa pakikipag-debate sa kanya ng minsang umuwi siya at dawah-an ako. Iglesia ni Kristo ang aming paniniwala subalit ng makapag-asawa ng balik-islam ang kapatid ko sa Saudi, doon na nagbago ang pakikitungo namin sa isat-isa.

Bunga na rin siguro ng kakulangan sa kaalaman, ang unang engkuwentro ko sa isang muslim (aking ate) ay pakikipagtalo na akin ring naipapanalo. Mahilig rin kasi akong magbasa ng bibliya at makinig sa mga usaping pang-relihiyon. Ngunit hindi natinag ang aking kapatid na kahit nasa Saudi na ay patuloy pa ring nakikipag-usap sa pamamagitan ng mga sulat, (na may kalakip na mga kitab o babasahing islamiko) tawag sa cellphone at pagbisita sa amin tuwing bakasyon. Tandang-tanda ko pa ang mga pakiusap niya sa akin na bigyang daan ang pag-aaral sa Islam.

May 04, 2006, tuluyan ko ng nakilala at tinanggap ang Islam bilang pananampalatayang magdadala sa akin sa kaligtasan. 


Pagka-uhaw sa kaalaman at mga bagong natututunang aral-pangrelihiyon ang naging dahilan kung bakit mas minarapat kong aliwin ang aking sarili sa pagbabasa ng mga kitab habang nasa bukid matapos ipastol ang kalabaw at patukain ang mga manok. Tanging ang mga alaga kong hayop at ang tahimik na kabukiran ang kasama kong nakakaunawa sa aking nararamdaman noong mga panahong iyon. 

Mag-isa kong itinatayo ang salah sa bukid sa pamamagitan ng lukot-lukot na pamamaraan ng pagdarasal na sulat-kamay pang ibinigay ng aking kapatid. Sayang at dahil sa madalas na paggamit nito’y ang mga putik at pagkakabasa mula sa tubig-ulan ang siyang kusang sumira sa mga panalanging kinalauna’y akin na rin namang naisa-ulo. Sayang din 'yun bilang remebrance manlang sana kahit papaano.

Hindi ko rin malilimutan ang CD na gasgas na sa paulit-ulit kong panonood. “Ang Kasaysayan ng Lahi na Ating Pinagmulan” ni Utsadz Muhammad Amin Rodiriguez ang siyang lalong nagpatibay ng aking paniniwala sa Islam. Pinangarap at ipinagdarasal ko na makita sa personal ang lecturer sa CD, minsan ay ipinag-dua ko pa na sana’y buhay pa ang taong iyon at makita ko manlang sa personal at makausap. Alhamdulillah at hindi ako binigo ng Allah! 

Si Jeffrey Bobis kasama si Ustadz Muhammad Amin Rodriguez.
Lumuwas ako ng Maynila sa pagbabaka-sakaling magkaroon ng pagbabago sa aking buhay. Napadpad ako sa isang ginagawang mall. Kahit anong trabaho! (sabi ko) Trinoma Mall ang nagbigay sa akin ng pansamantalang pagkakakitaan. Sa construction ako napadpad, kahit anong ipagawa at iutos sa akin ay sinusunod ko.  Mistula akong tanga na sa tuwing walang trabaho at namamasyal sa paligid ay bumabati ng Salam sa bawat makakasalubong na muslim. Sabik na sabik akong makakita ng muslim at makipag-usap sa kanila.

Isang pagkakataon habang inutusan akong bumili ng pagkain namin sa palengke, isang muslim ang aking nakasalubong. Tinanong ko kung saan ang masjid sa lugar na iyon. Hindi naman ako nabigo at sa unang pagkakataon, nairaos ko ang pagdarasal na may mga kasamang kapatid sa aking harapan, tabi at likuran. Isang hindi maipapaliwanag na karanasan para sa isang probinsiyanong tulad ko na sa tuwina’y mag-isa lamang na naitatawid ang pagdarasal.


Kinalaunan ay umuwi rin ako sa amin. Mas masigasig gaya ng dati, proud to be a muslim ang bumabandera sa aking pagkatao. Literal ko itong ipinakita hindi lamang sa aking mga kapatid at magulang kundi maging sa aking mga kababayan. Alam n’yo ba ‘yong hitsura ng tabligh na mag-isa lamang na nag-iikot na kahit saan ay naka-uniform? Ganun! Ganun ang naging eksena sa aking pagbabalik.


Liblib ang lugar namin sa Brgy. Mabunga, bayan ng San Fransico sa pinaka-dulo ng lalawigan ng Quezon. Marahil dahil sa liblib ito, bibihira kundi man first time na makakita ang mga tao dun ng isang muslim na kagaya ng hitsura ko. Baliw, ang unang paratang sa akin ng aking mga kanayon.  Maging ang aming mga kapit-bahay ay kinumpronta pa ang aking magulang tungkol sa aking kalagayan, habang ang ilan ay nagsasabing nagkaroon ako ng amo na muslim kung kaya’t naimpluwensiyahan. Masasabi kong ang aking pagbabalik sa nayon ay pagbabalik na tanging ang mga alaga kong hayop at ang bukid lamang ang nananabik na sumalubong. 

Pinagtiisan ko ang mga bulong-bulungan, tsismis at mga maling paratang. Bagamat alam kong inuunawa ako ng aking magulang, wala rin silang imik na ako’y tulungan o ipagtanggol manlang. Ngunit hindi ako nagpadala sa mga pagsubok. Tahimik kong isinasabuhay ang Islam, sinusunod ang utos ng magulang at tumutulong sa aming tahanan.  Hanggang isang pagsubok ang hindi ko na nakayanan.

Maaga akong gumising upang mag-igib ng tubig. Pinuno ko ang lalagyan at nagpahinga saglit. Maingay sa likuran ng bahay namin ngunit hindi ko pinansin. Nilibang ko nalang ang aking sarili sa panonood sa telebisyon. Isang pasigaw na tawag sa aking pangalan ang aking narinig. Si Kuya Junior (ang paboritong anak ng aking ama) ang tumatawag. Hindi ko siya pinansin kung kaya’t galit na galit nito akong pinuntahan. Bakit walang tubig? Hindi ba’t ikaw dapat ang nag-iigib?! Nagpupuyos sa galit niyang bulyaw sa akin.

Sa wakas ay nakumpirma kong ang ingay sa likuran ng aming bahay ay dahil sa kinakatay na baboy ng aking kuya. Nakumpirma ko ring naubos ang inigib kong tubig dahil sa paghuhugas sa karne ng kinakatay na baboy.  Doon na nawala ang aking pagtitimpi at pasigaw kong sinagot ang aking kapatid. “Naubos ang pinuno kong tubig dahil sa lintek na baboy na ‘yan!!! Mabilis ang tugon ng nakatatanda kong kapatid. “Aba’t marunong ka ng sumagot ngayon!!! Sampal at suntok ang sumunod na dumapo sa aking katawan. 

Nanlilimahid sa dugo ng baboy ang kamay at katawan ng aking kapatid. Pinaghalong galit at pandidiri ang aking naramdaman ng mga oras na’yon habang sinasalag ang kanyang mga suntok at ipinagtatanggol ang sarili.  Naawat din ang aming pagbubuno sa isat-isa ngunit ang inaakala kong pagkampi ng aking magulang sa akin bilang siyang nasa tama at mas nakakabata ay napalitan pa ng karagdagang galit at mga panunumbat sa akin at sa aking panananampalataya.

Maaaring natanggal ang galit at pandidiri sa aking katawan matapos akong maligo, ngunit ang pagkasuklam sa aking magulang at kapatid ay nanatili sa aking puso. Pagkasuklam na ibinunton ko kasama na ang pamamaalam sa aking mga alagang manok. Paglalayas ang nakikita kong paraan upang tuluyan ng makaiwas sa sitawasyong aking pinagdaraanan. 


Hindi ko namalayan ang walong oras na biyahe. Parang kanina lang ay nagtititigan kami ng kunduktor, heto ngayo’t pababa na ako ng bus. Alabang ang bumungad sa aking lugar sa muli kong paglalakbay. Mula doon ay muli akong sumakay ng bus patungo sa kung saan. Naalala ko ang Trinoma at binanggit sa kunduktor na hanggat maaari ay huwag akong ilampas sa lugar na iyon. Sa wakas ay nakaramdam ako ng antok.

May kung anong p’wersa ang gumising sa akin sa kalagitnaan ng biyahe. Nasa Trinoma na pala ako! Salamat at nagising ako, dahil hindi ko alam ang mararating ng nalalabi kong trenta pesos sa bulsa. Mula sa mall na iyon ay tinungo ko ang masjid na minsan ko ng narating. Magsasarado na sana ang masjid noong ako’y dumating, mabuti na lamang at ang natitirang kapatid na naroon ay ang mismong presidente ng masjid. Naikuwento ko ang aking karanasan at naging dahilan kung bakit ako naglayas. Salamat, salamat dahil ang naramdaman kong gutom mula sa walang-almusal kong paglisan ay napawi ng hapunan at tulong na hindi inaasahan.


Matagal-tagal din bago ako natunton ng aking mga kapatid. May bahay sa Novaliches ang isa kong ate, doon muna ako tumuloy at inalok na mag-aral. Habang nag-aaral, naging bisyo ko ang pagdalaw sa ibat-ibang masjid sa Maynila. Doon ko narinig ang pag-aaral sa Baguio. Isang Islamic school ang pinangarap kong marating. Pinaghandaan ko ang pagkakataon na ma-interview sa Quiapo. Ngunit hindi ako pinalad na pumasa sa unang pagkakataon. Subalit hindi ako sumuko.

Ang Al-Maarif Educational Center sa Lungsod ng Baguio
Isang taon ang aking hinintay upang magbaka-sakali na makapag-aral sa Baguio. Muli akong nagpa-interview at hinintay ang resulta nito. Sa pagkakataong ito, hindi na ako papayag pa na mabigo kung kaya’t inalam ko ang numero ng paaralang iyon sa Baguio upang magtanong. Sekretaryo ng school ang aking nakausap sa kabilang linya at pilit na inalam ang resulta ng scholarship ko. Walang malinaw na sagot ang aking napala kung kaya’t dala na rin ng kalituhan ay nasigawan ko ang aking kausap. Hindi ko na maalala pa ang aking mga nasabi ngunit batid kong hindi iyon maganda. “Nais ko lang mag-aral ng Islam bakit hindi ako mapagbigyan?” – ang punto ng aking pakiusap at paninigaw!

Wala akong sinayang na panahon kung kayat matapos na makaipon ng pamasahe ay pinuntahan ko ang Baguio upang doon ay personal na alamin ang resulta o makausap manlang ang kahit sino doon at upang magmakaawa na rin na ako ay tanggapin upang makapag-aral.

Mabilis kong narating ang institusyong aking hinahanap. Malamig ang panahon, tila nagbabadya ng malamig ring pagtanggap. Malugod naman akong pinatuloy sa opisina at tinanong ang aking pangalan upang hanapin sa listahan. 


Jeffrey “Omar” Bobis, pangalang tila kilalang-kilala ng aking napagtanungan. “Hindi ba’t ikaw ‘yung tumawag sa telepono at pinagsisigawan ako?” Pakiramdam ko’y nagbago ang temperatura sa paligid. Pinagpawisan ako sa gulat at pagkahiya. Walang patid ang paghingi ko ng tawad.“Pasensiya na po, nais ko lang po talagang makapag-aral dito.” Ngiti at pag-unawa ang itinugon sa akin ng aking kausap. Doon ay isinalaysay ko ang aking mga pinagdaanan at muling nakiusap na ako ay pagbigyan.

Ngunit tanging ang Direktor lamang daw ng eskwelahan ang makakatulong sa akin. Dahil na rin sa awa, sinabihan akong bumalik na lamang sa susunod na taon at tiniyak na tutulungang makapasok doon. Bumalik ako sa Maynila at ipinagpatuloy ang aking pag-aaral at pakikisalamuha sa mga kapatid. Minsan ay nakikitulog ako sa Masjid upang maramdaman ang kagalakan sa pagdarasal na sama-sama. Kasama ng mga kapatid na itinuring kong mga kasangga.

Ang Manila Golden Mosque sa Quaipo Maynila
 Mabilis na lumipas ang panahon at muli kong tinungo ang Baguio upang malaman ang resulta ng aking application. Hindi na ako nahirapan pang hanapin sapagkat nauuna sa listahan ng mga natanggap ang aking pangalan. Agad kong tinawagan ang aking ina at sinabing huwag mag-alala sa akin sapagkat ako ay scholar na! 

Tatlong buwan din ang lumipas ng ako ay mapilitang tumawag sa aking ina na kung pwede ay magpadala ng allowance. Bagamat libre ang pagaaral at pagkain, hindi sapat ang mga pangangailangan ko para maitawid ang araw-araw na pag-aaral. Nakakatuwa ngunit ilang buwan ko ring tiniis ang maghintay pagkatapos kumain upang bumalik sa kusina at manghingi ng tira-tirang kanin at ulam. Sa tulong at gabay ng Allah ay maluwalhati kong napagtagumpayan at natapos ang aking pagaaral. Alhamdulillah!


Maliwanag sa akin ang kahalagahan ng dawah o paganyaya sa Islam, subalit papaano ko aanyayahan ang iba sa kaligtasan at katotohanan gayong ang aking mga mahal sa buhay ay hindi ko pa kasama? Para sa isang saradong katoliko, mahirap para sa aking ina na paniwalaan na babalik si Kristo na wawasakin ang krus, papatayin ang baboy at makakapag-asawa. Kalokohan umano!

Pinagsumikapan ng aking ate na makarating sa Saudi ang aming ina upang doon ay masaksihan niya ang buhay-muslim at ang aral ng Islam. Hindi kami nabigo at kinalaunan ay tinanggap nga niya ang Islam. Allahuakbar!   

Si Omar Bobis at ang kanya ina.
Umuwi ako sa amin na may mas malakas na paninindigan at pananalig sa Allah. Doon ay sinimulan kong ipaliwanag ang Islam. Nakakagulat ang naging pagyakap ng ilan sa aking mga kamag-anak. Pami-pamilya, magkakapatid, magpipinsan. Subhanallah! Pero ang pinakamainam sa lahat, tuluyan na ring bumigay ang aking mga kapatid, si papa na lang ang kulang. Insha Allah!

Ang magkakapatid na Bobis.
Isang hamon ang noon ay aking sinuong. Ang bahay-sambahan para sa kanila…


Sa simula ay kalokohan umano para sa aking mga kapatid na magtayo ng masjid sa lugar namin. Bakit nga naman magtatayo ng masjid sa isang liblib na lugar na isang pamilya lang kami na muslim. Inshaa Allah ang sabi ko, pasasaan ba’t magmumuslim rin ang mga taga-rito. Insha Allah.

Sa tulong ng ilang mga kapatid, ang Masjid  Mabunga ay nakatayo na at patuloy na inaayos at pinapaganda.

Ang malapit ng matapos na Masjid Mabunga.
Ilang dawah-symposium din ang isinagawa sa bayan namin sa tulong ng ISCAG, Quezon Islamic Dawah and Guidance Center at ilang mga grupo ng muslim. Alhamdulillah at patuloy na nadaragdagan ang mga muslim sa amin. Ngunit ang pinakamalaking regalo para sa akin ay ang pagyakap ng aking ama sa Islam. Allahuakbar! Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Sa tulong ni Sheikh Omar Penalber ay tuluyan ng nakumpleto ang aking pamilya sa pagpasok sa Islam. Naalala ko tulo’y na nai-post ko sa facebook  ang mga salitang ito:

"Ilang taon ako naghintay,
ilang buwan kong inisip,
ilang linggo ko pinangarap,
ilang araw ako nag babakasakali,
at llang beses ako nagdua at lumuha sa Allah na patnubayan ang aking Ama sa ISLAM , sa wakas si papa niyakap na ang Islam, Subhanallah!, di ko alam kung panu pasasalamatan ang Allah, napakabait ng Allah sa buong pamilya ko, Allahu akbar! Biyayaan nawa ng Allah si Sheikh Omar Penalber sa pagsisikap na ginawa nya para sa Islam at ang lahat ng daiyyah sa buong mundo"

Si Sheikh Omar Penalber habang dinadawah-an ang ama ni Jeffrey.
Ano pa ba ang mahihiling ko sa Allah sa mga sunod-sunod na biyayang ipinagkaloob niya sa akin, sa aking pamilya at sa aking bayan. Sinong mag-aakala na ang dating nakatiwangwang na lupa at taniman ng mais ay magiging Masjid? Sinong mag-aakala na sa isang liblib na barangay sa Quezon ay mayroong Islamic community? Dakila ka oh Allah. Allahuakbar!

Si Jeffrey kasama ang mga unang yumakap sa Islam sa kanilang lugar.
Masaya akong pinagmamasdan ang mga pagbabago ng aking bayan.  Maligaya rin akong ang mismong Mayor sa bayan namin ay pinagbilinan ang barangay chairman na alagaan ang mga muslim sa aming lugar. Allahuakbar! Sana’y matupad ang aking mga dua, na maging maunlad sa kaalaman, kabuhayan at kapayapaan ang Islamic Community sa barangay Mabunga. Insha Allah.  Patatagin nawa ng Allah ang pananampalataya ng aking pamilya, mga kapatid, at kababayan sa Baranggay Mabunga at sa buong Mundo. Allahumma ameen!

Ilan sa mga larawan ng mga dawah activities sa Baranggay Mabunga.
Bagamat kailangan kong lumisan, naniniwala akong matibay ang itinanim kong ala-ala sa aking bayan. Ala-alang babaunin ko sa aking patuloy na paglalakbay… Ako si Jeffrey “Omar” Bobis, Forever Proud to be a Muslim!



Mula sa manunulat:

Si Ustadz Omar Bobis ay maglalakbay patungong Madinah upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Islam. Katulad ng palaging niyang sinasambit na dua, nawa’y panatilihin siyang mapagpakumbaba ng Allah sa mga makakamit pa niyang biyaya bunga ng kanyang walang humpay na sakripisyo at paghahanap ng kaalaman. Personal naming narating ang sinimulan niyang Islamic community sa San Francisco, Quezon at ang ipinapatayo niyang Masjid sa lugar na iyon. MashaAllah at tunay nga namang kahanga-hanga ang komunidad na nasa paglilingkod kay Allah.  Mabuhay ka KaYaKap na Omar! Hanggang sa iyong pagbabalik mula sa walang katapusan at kapaguran mong paglalakbay. Maghihintay kami sa iyong pagdating, Inshaa Allah.