Ang paglalakbay ni kapatid na Omar
(The Jeffrey "Omar" Bobis Story)
“A journey of a thousand miles starts with the first step.”
Madaling araw noon ng tinahak ko ang madilim na lansangan
marating lang ang kabayanan papunta sa terminal ng bus patungong Maynila. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at ano
ang dadatnan ko doon, ang mahalaga’y makaalis ako sa amin…tumakas sa mga sama
ng loob na aking kinikimkim.
Manok ang naging daan upang makabili ako ng
pamasahe. Mga alaga kong mas may pakinabang pa kaysa sa inaasahang
pagmamalasakit ng mga kamag-anak. “Toy, san ka?” narinig kong tanong ng
kunduktor ng bus matapos kong umakyat agad ng bus at maupo. Hindi ako nakasagot
sapagkat hindi ko rin alam kung saan ako pupunta. “Sinong kasama mo, ikaw lang?
Nagpaalam ka ba sa magulang mo?” Sunod-sunod na tanong ng kunduktor sa akin. Sa
isip ko, kapag hindi ako sumagot ay maaaring pababain ako ng bus at pauwiin sa
amin. Alabang ang nakita ko sa signboard ng bus kayat Alabang din ang aking
naitugon. Iniabot sa akin ang ticket at iniabot ko rin naman ang pambayad,
ilang saglit pa’y ang pag-arangkada ng bus. Nakatanaw ako sa bintana ng aking
sinasakyan subalit ang nakikita ko’y ang mga naging dahilan ng aking paglisan...
Si Jeffrey Bobis noong nag-aaral sa Baguio. |
Katatapos ko pa lang ng high
school ng yakapin ko ang Islam dahil na rin sa pagtitiyaga ng aking ate na
nagtatrabaho sa Saudi na padalhan ako ng mga babasahing islamiko. Noong una’y
masigasig ako sa pakikipag-debate sa kanya ng minsang umuwi siya at dawah-an
ako. Iglesia ni Kristo ang aming paniniwala subalit ng makapag-asawa ng
balik-islam ang kapatid ko sa Saudi, doon na nagbago ang pakikitungo namin sa
isat-isa.
Bunga na rin siguro ng kakulangan sa kaalaman, ang unang
engkuwentro ko sa isang muslim (aking ate) ay pakikipagtalo na akin ring
naipapanalo. Mahilig rin kasi akong magbasa ng bibliya at makinig sa mga
usaping pang-relihiyon. Ngunit hindi natinag ang aking kapatid na kahit nasa
Saudi na ay patuloy pa ring nakikipag-usap sa pamamagitan ng mga sulat, (na may
kalakip na mga kitab o babasahing islamiko) tawag sa cellphone at pagbisita sa
amin tuwing bakasyon. Tandang-tanda ko pa ang mga pakiusap niya sa akin na
bigyang daan ang pag-aaral sa Islam.
May 04, 2006, tuluyan ko ng nakilala at tinanggap ang Islam
bilang pananampalatayang magdadala sa akin sa kaligtasan.
Pagka-uhaw sa kaalaman at mga bagong natututunang
aral-pangrelihiyon ang naging dahilan kung bakit mas minarapat kong aliwin ang
aking sarili sa pagbabasa ng mga kitab
habang nasa bukid matapos ipastol ang kalabaw at patukain ang mga manok. Tanging
ang mga alaga kong hayop at ang tahimik na kabukiran ang kasama kong
nakakaunawa sa aking nararamdaman noong mga panahong iyon.
Mag-isa kong itinatayo ang salah sa bukid sa pamamagitan ng lukot-lukot na pamamaraan ng
pagdarasal na sulat-kamay pang ibinigay ng aking kapatid. Sayang at dahil sa
madalas na paggamit nito’y ang mga putik at pagkakabasa mula sa tubig-ulan ang
siyang kusang sumira sa mga panalanging kinalauna’y akin na rin namang naisa-ulo.
Sayang din 'yun bilang remebrance manlang sana
kahit papaano.
Hindi ko rin malilimutan ang CD na gasgas na sa paulit-ulit
kong panonood. “Ang Kasaysayan ng Lahi na Ating Pinagmulan” ni Utsadz Muhammad
Amin Rodiriguez ang siyang lalong nagpatibay ng aking paniniwala sa Islam.
Pinangarap at ipinagdarasal ko na makita sa personal ang lecturer sa CD, minsan
ay ipinag-dua ko pa na sana’y buhay pa ang taong iyon at makita ko manlang sa
personal at makausap. Alhamdulillah at hindi ako binigo ng Allah!
Si Jeffrey Bobis kasama si Ustadz Muhammad Amin Rodriguez. |
Lumuwas ako ng Maynila sa pagbabaka-sakaling magkaroon ng
pagbabago sa aking buhay. Napadpad ako sa isang ginagawang mall. Kahit anong trabaho! (sabi ko) Trinoma Mall
ang nagbigay sa akin ng pansamantalang pagkakakitaan. Sa construction ako napadpad, kahit anong ipagawa at iutos sa akin ay
sinusunod ko. Mistula akong tanga na sa
tuwing walang trabaho at namamasyal sa paligid ay bumabati ng Salam sa bawat makakasalubong na muslim.
Sabik na sabik akong makakita ng muslim at makipag-usap sa kanila.
Isang pagkakataon habang inutusan akong bumili ng pagkain
namin sa palengke, isang muslim ang aking nakasalubong. Tinanong ko kung saan
ang masjid sa lugar na iyon. Hindi naman ako nabigo at sa unang pagkakataon,
nairaos ko ang pagdarasal na may mga kasamang kapatid sa aking harapan, tabi at
likuran. Isang hindi maipapaliwanag na karanasan para sa isang probinsiyanong
tulad ko na sa tuwina’y mag-isa lamang na naitatawid ang pagdarasal.
Kinalaunan ay umuwi rin ako sa
amin. Mas masigasig gaya ng dati, proud
to be a muslim ang
bumabandera sa aking pagkatao. Literal ko itong ipinakita hindi lamang sa aking
mga kapatid at magulang kundi maging sa aking mga kababayan. Alam n’yo ba ‘yong
hitsura ng tabligh na mag-isa lamang na
nag-iikot na kahit saan ay naka-uniform?
Ganun! Ganun ang naging eksena sa aking pagbabalik.
Liblib ang lugar namin sa Brgy.
Mabunga, bayan ng San Fransico sa pinaka-dulo ng lalawigan ng Quezon. Marahil
dahil sa liblib ito, bibihira kundi man first
time na makakita ang mga tao dun ng isang muslim na kagaya ng hitsura ko.
Baliw, ang unang paratang sa akin ng aking mga kanayon. Maging ang aming mga kapit-bahay ay
kinumpronta pa ang aking magulang tungkol sa aking kalagayan, habang ang ilan
ay nagsasabing nagkaroon ako ng amo na muslim kung kaya’t naimpluwensiyahan. Masasabi
kong ang aking pagbabalik sa nayon ay pagbabalik na tanging ang mga alaga kong
hayop at ang bukid lamang ang nananabik na sumalubong.
Pinagtiisan ko ang mga bulong-bulungan,
tsismis at mga maling paratang. Bagamat alam kong inuunawa ako ng aking
magulang, wala rin silang imik na ako’y tulungan o ipagtanggol manlang. Ngunit
hindi ako nagpadala sa mga pagsubok. Tahimik kong isinasabuhay ang Islam, sinusunod
ang utos ng magulang at tumutulong sa aming tahanan. Hanggang isang pagsubok ang hindi ko na
nakayanan.
Maaga akong gumising upang
mag-igib ng tubig. Pinuno ko ang lalagyan at nagpahinga saglit. Maingay sa
likuran ng bahay namin ngunit hindi ko pinansin. Nilibang ko nalang ang aking
sarili sa panonood sa telebisyon. Isang pasigaw na tawag sa aking pangalan ang
aking narinig. Si Kuya Junior (ang paboritong anak ng aking ama) ang tumatawag.
Hindi ko siya pinansin kung kaya’t galit na galit nito akong pinuntahan. Bakit walang tubig? Hindi ba’t ikaw dapat
ang nag-iigib?! Nagpupuyos sa galit niyang bulyaw sa akin.
Sa wakas ay nakumpirma kong ang ingay sa likuran ng aming
bahay ay dahil sa kinakatay na baboy ng aking kuya. Nakumpirma ko ring naubos
ang inigib kong tubig dahil sa paghuhugas sa karne ng kinakatay na baboy. Doon na nawala ang aking pagtitimpi at
pasigaw kong sinagot ang aking kapatid. “Naubos
ang pinuno kong tubig dahil sa lintek na baboy na ‘yan!!! Mabilis ang tugon
ng nakatatanda kong kapatid. “Aba’t marunong ka ng
sumagot ngayon!!! Sampal at suntok ang sumunod na dumapo sa aking katawan.
Nanlilimahid
sa dugo ng baboy ang kamay at katawan ng aking kapatid. Pinaghalong galit at
pandidiri ang aking naramdaman ng mga oras na’yon habang sinasalag ang kanyang
mga suntok at ipinagtatanggol ang sarili.
Naawat din ang aming pagbubuno sa isat-isa ngunit ang inaakala kong
pagkampi ng aking magulang sa akin bilang siyang nasa tama at mas nakakabata ay
napalitan pa ng karagdagang galit at mga panunumbat sa akin at sa aking
panananampalataya.
Maaaring natanggal ang galit at pandidiri sa aking katawan
matapos akong maligo, ngunit ang pagkasuklam sa aking magulang at kapatid ay
nanatili sa aking puso. Pagkasuklam na ibinunton ko kasama na ang pamamaalam sa
aking mga alagang manok. Paglalayas ang nakikita kong paraan upang tuluyan ng
makaiwas sa sitawasyong aking pinagdaraanan.
Hindi ko namalayan ang walong oras na biyahe. Parang kanina
lang ay nagtititigan kami ng kunduktor, heto ngayo’t pababa na ako ng bus. Alabang
ang bumungad sa aking lugar sa muli kong paglalakbay. Mula doon ay muli akong
sumakay ng bus patungo sa kung saan. Naalala ko ang Trinoma at binanggit sa
kunduktor na hanggat maaari ay huwag akong ilampas sa lugar na iyon. Sa wakas
ay nakaramdam ako ng antok.
May kung anong p’wersa ang gumising sa akin sa kalagitnaan
ng biyahe. Nasa Trinoma na pala ako! Salamat at nagising ako, dahil hindi ko
alam ang mararating ng nalalabi kong trenta pesos sa bulsa. Mula sa mall na iyon ay tinungo ko ang masjid na
minsan ko ng narating. Magsasarado na sana ang masjid noong ako’y dumating,
mabuti na lamang at ang natitirang kapatid na naroon ay ang mismong presidente
ng masjid. Naikuwento ko ang aking karanasan at naging dahilan kung bakit ako
naglayas. Salamat, salamat dahil ang naramdaman kong gutom mula sa
walang-almusal kong paglisan ay napawi ng hapunan at tulong na hindi inaasahan.
Matagal-tagal din bago
ako natunton ng aking mga kapatid. May bahay sa Novaliches ang isa kong ate,
doon muna ako tumuloy at inalok na mag-aral. Habang nag-aaral, naging bisyo ko
ang pagdalaw sa ibat-ibang masjid sa Maynila. Doon ko narinig ang pag-aaral sa
Baguio. Isang Islamic school ang pinangarap kong marating. Pinaghandaan ko ang
pagkakataon na ma-interview sa
Quiapo. Ngunit hindi ako pinalad na pumasa sa unang pagkakataon. Subalit hindi
ako sumuko.
Ang Al-Maarif Educational Center sa Lungsod ng Baguio |
Isang taon ang aking
hinintay upang magbaka-sakali na makapag-aral sa Baguio. Muli akong nagpa-interview at hinintay ang resulta nito.
Sa pagkakataong ito, hindi na ako papayag pa na mabigo kung kaya’t inalam ko
ang numero ng paaralang iyon sa Baguio upang magtanong. Sekretaryo ng school ang aking nakausap sa kabilang
linya at pilit na inalam ang resulta ng scholarship
ko. Walang malinaw na sagot ang aking napala kung kaya’t dala na rin ng
kalituhan ay nasigawan ko ang aking kausap. Hindi ko na maalala pa ang aking
mga nasabi ngunit batid kong hindi iyon maganda. “Nais ko lang mag-aral ng Islam bakit hindi ako mapagbigyan?” – ang
punto ng aking pakiusap at paninigaw!
Wala akong sinayang na
panahon kung kayat matapos na makaipon ng pamasahe ay pinuntahan ko ang Baguio
upang doon ay personal na alamin ang resulta o makausap manlang ang kahit sino
doon at upang magmakaawa na rin na ako ay tanggapin upang makapag-aral.
Mabilis kong narating ang
institusyong aking hinahanap. Malamig ang panahon, tila nagbabadya ng malamig
ring pagtanggap. Malugod naman akong pinatuloy sa opisina at tinanong ang aking
pangalan upang hanapin sa listahan.
Jeffrey “Omar” Bobis,
pangalang tila kilalang-kilala ng aking napagtanungan. “Hindi ba’t ikaw ‘yung tumawag sa telepono at pinagsisigawan ako?” Pakiramdam
ko’y nagbago ang temperatura sa paligid. Pinagpawisan ako sa gulat at
pagkahiya. Walang patid ang paghingi ko ng tawad.“Pasensiya na po, nais ko lang po talagang makapag-aral dito.”
Ngiti at pag-unawa ang itinugon sa akin ng aking kausap. Doon ay isinalaysay ko
ang aking mga pinagdaanan at muling nakiusap na ako ay pagbigyan.
Ngunit tanging
ang Direktor lamang daw ng eskwelahan ang makakatulong sa akin. Dahil na rin sa
awa, sinabihan akong bumalik na lamang sa susunod na taon at tiniyak na
tutulungang makapasok doon. Bumalik ako sa Maynila at ipinagpatuloy ang aking
pag-aaral at pakikisalamuha sa mga kapatid. Minsan ay nakikitulog ako sa Masjid
upang maramdaman ang kagalakan sa pagdarasal na sama-sama. Kasama ng mga kapatid na
itinuring kong mga kasangga.
Ang Manila Golden Mosque sa Quaipo Maynila |
Mabilis na lumipas ang panahon at muli kong
tinungo ang Baguio upang malaman ang resulta ng aking application. Hindi na ako nahirapan pang hanapin sapagkat nauuna sa
listahan ng mga natanggap ang aking pangalan. Agad kong tinawagan ang aking ina
at sinabing huwag mag-alala sa akin sapagkat ako ay scholar na!
Tatlong buwan din ang lumipas ng ako ay mapilitang
tumawag sa aking ina na kung pwede ay magpadala ng allowance.
Bagamat libre ang pagaaral at pagkain, hindi sapat ang mga pangangailangan ko
para maitawid ang araw-araw na pag-aaral. Nakakatuwa ngunit ilang buwan ko ring
tiniis ang maghintay pagkatapos kumain upang bumalik sa kusina at manghingi ng
tira-tirang kanin at ulam. Sa tulong at gabay ng Allah ay maluwalhati kong
napagtagumpayan at natapos ang aking pagaaral. Alhamdulillah!
Maliwanag sa akin ang
kahalagahan ng dawah o paganyaya sa Islam, subalit papaano ko aanyayahan ang
iba sa kaligtasan at katotohanan gayong ang aking mga mahal sa buhay ay hindi
ko pa kasama? Para sa isang saradong katoliko, mahirap para sa aking ina na
paniwalaan na babalik si Kristo na wawasakin ang krus, papatayin ang baboy at
makakapag-asawa. Kalokohan umano!
Pinagsumikapan ng aking
ate na makarating sa Saudi ang aming ina upang doon ay masaksihan niya ang
buhay-muslim at ang aral ng Islam. Hindi kami nabigo at kinalaunan ay tinanggap
nga niya ang Islam. Allahuakbar!
Si Omar Bobis at ang kanya ina. |
Umuwi ako sa amin na may
mas malakas na paninindigan at pananalig sa Allah. Doon ay sinimulan kong
ipaliwanag ang Islam. Nakakagulat ang naging pagyakap ng ilan sa aking mga
kamag-anak. Pami-pamilya, magkakapatid, magpipinsan. Subhanallah! Pero ang
pinakamainam sa lahat, tuluyan na ring bumigay ang aking mga kapatid, si papa
na lang ang kulang. Insha Allah!
Ang magkakapatid na Bobis. |
Isang hamon ang noon ay
aking sinuong. Ang bahay-sambahan para sa kanila…
Sa simula ay kalokohan
umano para sa aking mga kapatid na magtayo ng masjid sa lugar namin. Bakit nga
naman magtatayo ng masjid sa isang liblib na lugar na isang pamilya lang kami
na muslim. Inshaa Allah ang sabi ko, pasasaan ba’t magmumuslim rin ang mga
taga-rito. Insha Allah.
Sa tulong ng ilang mga kapatid, ang Masjid Mabunga ay nakatayo na at patuloy na inaayos
at pinapaganda.
Ang malapit ng matapos na Masjid Mabunga. |
"Ilang
taon ako naghintay,
ilang buwan kong inisip,
ilang linggo ko pinangarap,
ilang araw ako nag babakasakali,
at llang beses ako nagdua at lumuha sa Allah na patnubayan ang aking Ama sa ISLAM , sa wakas si papa niyakap na ang Islam, Subhanallah!, di ko alam kung panu pasasalamatan ang Allah, napakabait ng Allah sa buong pamilya ko, Allahu akbar! Biyayaan nawa ng Allah si Sheikh Omar Penalber sa pagsisikap na ginawa nya para sa Islam at ang lahat ng daiyyah sa buong mundo"
ilang buwan kong inisip,
ilang linggo ko pinangarap,
ilang araw ako nag babakasakali,
at llang beses ako nagdua at lumuha sa Allah na patnubayan ang aking Ama sa ISLAM , sa wakas si papa niyakap na ang Islam, Subhanallah!, di ko alam kung panu pasasalamatan ang Allah, napakabait ng Allah sa buong pamilya ko, Allahu akbar! Biyayaan nawa ng Allah si Sheikh Omar Penalber sa pagsisikap na ginawa nya para sa Islam at ang lahat ng daiyyah sa buong mundo"
Si Sheikh Omar Penalber habang dinadawah-an ang ama ni Jeffrey. |
Ano pa ba ang mahihiling
ko sa Allah sa mga sunod-sunod na biyayang ipinagkaloob niya sa akin, sa aking
pamilya at sa aking bayan. Sinong mag-aakala na ang dating nakatiwangwang na
lupa at taniman ng mais ay magiging Masjid? Sinong mag-aakala na sa isang
liblib na barangay sa Quezon ay mayroong Islamic community? Dakila ka oh Allah.
Allahuakbar!
Si Jeffrey kasama ang mga unang yumakap sa Islam sa kanilang lugar. |
Ilan sa mga larawan ng mga dawah activities sa Baranggay Mabunga. |
Bagamat kailangan kong
lumisan, naniniwala akong matibay ang itinanim kong ala-ala sa aking bayan.
Ala-alang babaunin ko sa aking patuloy na paglalakbay… Ako si Jeffrey “Omar”
Bobis, Forever Proud to be a Muslim!
Mula sa manunulat:
Si Ustadz Omar Bobis ay
maglalakbay patungong Madinah upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Islam.
Katulad ng palaging niyang sinasambit na dua, nawa’y panatilihin siyang
mapagpakumbaba ng Allah sa mga makakamit pa niyang biyaya bunga ng kanyang
walang humpay na sakripisyo at paghahanap ng kaalaman. Personal naming narating
ang sinimulan niyang Islamic community sa San Francisco, Quezon at ang
ipinapatayo niyang Masjid sa lugar na iyon. MashaAllah at tunay nga namang kahanga-hanga
ang komunidad na nasa paglilingkod kay Allah. Mabuhay
ka KaYaKap na Omar! Hanggang sa iyong pagbabalik mula sa walang katapusan at kapaguran
mong paglalakbay. Maghihintay kami sa iyong pagdating, Inshaa Allah.