Sabado, Oktubre 25, 2014

Buhay Balad



Minsan na naming naisulat ang mga kamangha-manghang pakikipag-punyagi ng ating mga kapatid sa larangan ng dawah sa mga pampublikong lugar. Sa Pilipinas bilang halimbawa, ang aming artikulong “Ang Dawah sa Luneta” (http://yakapnapilipinas.blogspot.com/2013/12/ang-dawah-sa-luneta.html ) ay naglahad ng mga mumunting pagsulyap sa mga tagpo ng pagsisikap ng ating mga kapatid na maiparating ang dalisay na aral ng pananampalatayang Islam.  Dito’y aming naisalarawan ang mainam na pagtutulungan ng mga kapatid sa paganyaya maging ang pakikipagtalastasan sa mga ka-ibayo sa pananampalataya hinggil sa mga paksang may kinalaman sa comparative na pagaaral at paghahambing-tema ng mga kaugalian sa pagsunod at pagsasabuhay ng pananampalataya.  

Tunay ngang ang pagpapalaganap sa pamamagitan ng pagaanyaya sa katuruan ng Islam ay hindi na lamang limitado sa mga nakagawiang medium. Isa ang street dawah o gawaing isinasagawa sa mga pampublikong lugar ang pinakamainit na sinusubaybayan at sinusoportahan ng ating mga kapatid sa kasalukuyan…at hindi nagpapahuli ang ating mga kapatid na OFW sa pagtamasa ng laksa-laksang biyayang ito sa larangan ng dawah.

Ang Saudi Arabia bilang Islamikong bansang maituturing na sentro ng lahat ng mga gawain, pagaaral at pagpapalaganap ng Islam ay kabilang rin sa mga masugid sa mga pagpupunyaging may kinalaman sa pagpapayaman at pagyabong ng kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa katotohanan at kaligtasan.

Pinalad ang KaYaKap na marating ang lungsod ng Jeddah mula sa isang matagumpay at maluwalhating paglalakbay upang isagawa ang ika-limang haligi ng Islam – ang Hajj. Sa piling ng mga kapatid na muslim sa Jeddah, aming nasaksihan na sa Pilipinas man o maging sa Saudi Arabia, buhay ang dawah!

Ang mapa ng Saudi Arabia
Tinatayang may humigit kumulang na isang milyon at walong daan libong magagawang Pilipino ang kasalukuyang nasa bansang ito. Ang manggagawang Pilipinong nasa Saudi ang kumakatawan sa pinakamalaking populasyon ng Pilipino sa Gitang Silangan.  Pinoy rin ang pang-apat sa pinakamalaking grupo ng mga dayuhang nasa bansang ito. 

Ang Saudi Arabia bilang pangunahing bansa na kumukuha ng serbisyo para sa mga Pilipinong mangagawa ay siya ring pangunahing pinagkukunan ng pananalaping panlabas na bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit hindi ito kuwento tungkol sa OFW o buhay pinoy sa ibayong dagat, manapa’y kuwento ito ng mga Pilipinong Muslim sa Gitnang Silangan.

Ang Al Balad Islamic Center at Masjid
Ang Balad Islamic Center ay isa lamang sa tinatayang sampung malalaking Islamic Centers sa Jeddah na may mga Pilipinong boluntaryong nakikipagsapalaran sa paghahatid ng mensahe at katuruan ng Islam. 

Kamangha-manghang sa kabila ng kawalan ng sapat na pondo upang isagawa ang lingguhan kung hindi man araw-araw na mga aktibidad nito, patuloy pa rin ang pagsusumikap ng mga kapatid na itaguyod ang mga gawaing para sa kanila ay tanging sa ikalulugod lamang ni Allah (SWT).

Katulad ng ibang mga Islamic Center, ang Balad Islamic Center ay may mga isinasagawang pagaaral din para sa mga Pilipino. Saksi ang KaYaKap sa pagtanaw sa mga masusugid na magaaral sa lugar na ito. Tuwing biyernes ang day-off sa bansang ito kaya naman biyernes din ang mga gawaing patungkol sa pagaaral at dawah.

Masasabing kumpleto ang mga aktibidad sa center na ito. May tranaslator ng qutbah pagkatapos nito, may mga guro para sa ibat-ibang kaalamang pang islamiko, men, women, children sections, beginners, advance at maging para sa mga bagong yakap. May mga programa rin para sa hajj at umrah, maging ang pagbisita sa mga kumpaya at organisasyon, programa sa buwan ng ramadhan, ganun din ang mga malawakang gawain para sa dawah. 

Ang Masjid sa Balad
Ang Balad  Shopping Center, Gusali ng Corniche Commercial Center
Maituturing na sentro ang Balad sa mga gawaing paganyaya o dawah. Ang Balad Commercial Center ay maaaring ihambing bilang Divisoria o Cubao ng Jeddah. Dito ay maaring mamili ng ibat-ibang bagay, pasalubong man o para sa pangaraw-araw na pangangailangan. Matatagpuan rin sa lugar na ito ang mga pook pasyalan, kainan at serbisyo gaya ng remittance center, bangko at marami pang iba.

At dahil nga sa pagiging sentro nito bilang malawak na pamilihan sa lungsod, hindi mawawala ang mga pangunahing parokyano…ang mga Pilipino! 


Mga pinoy sa Balad

Sikat ang mga pinoy sa Balad. Bukod sa bilang nila na lubhang marami talaga kumpara sa ilang mga grupo ng dayuhang naninirahan at nagtatrabaho sa lugar, itinuturing nang teritoryo ng mga Pilipino ang Balad kung saan bawat sulok at makakasalubong mo sa daan ay pawang mga kababayan.

Isa lamang ang Tagaytay restaurant sa mga kainang pinoy sa Jeddah
Oportunidad na maituturing para sa mga kapatid ang pagdagsa ng mga kababayang namamasyal sa Balad. Para sa Balad Dawah Team – isang grupo ng mga Pilipinong daee, ang Balad ay isang malawak na dagat na punong-puno ng mga isda. Hindi ka na lalayo pa! Sapagkat sa pampang pa lamang kumbaga ay maaari ka ng mamingwit ng walang kahirap-hirap.

One on one dawah sa Balad kasama ang isang kapatid mula sa Balad Dawah Team
Tuwing biyernes pagkatapos ng salah sa maghrib nagsisimula ang programa. May lugar para sa pagdarasal sa labas, mismong gitna at pinakasentro ng mall sa Balad ang siyang ginagamit nila upang pagdausan ng programa. Matapos pakiusapan ang imam, malayang magagamit ng mga kapatid ang sound system sa lugar na iyon upang ipamahayag ang pagimbita sa katotohanan.

Sistematiko ang approach. May uniporme, ID at abiso o permit sa kinauukulan ang mga kapatid bago lumarga. Umaga pa lang ay handa na ang mga ipamimigay na pamphlets at ang kahon (na dati ay sa kahon lang ng sapatos) lalagyan ng “papel de tanong” para sa question and answer portion. Nakakatuwa dahil sa bawat mabubunot na tanong eh may regalo kang load! (10 SAR Sawa/Mobily) Malaking bagay na rin sa ating mga kababayang OFW bilang pamatid-lungkot at pantawag sa mga mahal sa buhay sa Pinas. 

Malaking tulong ang mga pamamaraang gaya nito upang makaakit ng mga kababayan na makinig sa pamamahayag hinggil sa katuruan ng islam.
Ang Dawah Team Balad ng Jeddah
Tawag-pansin ang grupong ito ng mga muslim sa Balad. Sa simula pa lang ay interesante na sa mga kababayan. Bukod kasi sa nagtatagalog ang nagsasalita sa mikropono, maaari ka pang makipagkwentuhan sa mga kapatid na namimigay ng babasahin. Iwas inip na rin kung may hinihintay o kung hindi pa dumadating ang kausap. May bonus pang load pantawag. Ika nga ng mga kapatid sa Team Balad: “Nagkaload ka na, natuto ka pa!”

Hindi bababa sa apat ang yumayakap pagkatapos ng pamamahayag na iyon tuwing biyernes ng gabi sa Balad. Kumikitang gawain para sa kabilang buhay. Saglit na paglalaan ng panahon kung maituturing para sa mga kapatid nating hindi ipinagkakait sa kanilang sarili ang biyayang matatamasa mula sa pagsusumikap sa larangan ng dawah.  Silang mga hindi madamot sa kapwa sa pagpaparating at paganyaya. Silang mga nakakahigit at nakakainggit sa paggawa ng kabutihan.

Tagpo matapos ang pagYakap ng isa nating kababayan.

Sa magkabilang dulo ng milya-milyang paglalakbay ay ang katotohanang sa landas ng dawah para sa Allah, sa pagitan nito’y nagdurugtong ang nagkakaisang adhikaing ipalaganap ang kagandahan at katotohanan ng tunay na pananampalataya tungo sa walang hanggang ligaya at kaligtasan.  

Ang mga Pilipinong mangangaral sa Pilipinas man o sa ibang bansa ay nananatiling pagasa tungo sa pagsulong at paningas ng liwanag sa pagpapayabong ng kaalaman at paghahatid ng kaligtasan mula sa kadiliman at kamangmangan. Sa mga magkakaibang estratihiya o pamamaraan ng paganyaya gaya ng pagbibigay ng tatlong kilong bigas (eksena sa Pilipinas) at libreng load (eksena sa Jeddah) na premyo sa bawat tanong, ay nasasalamin ang magkakaparehong intensiyon. Hindi nagkakaiba ng layon...






Saksi ang KaYaKap sa mga pakikipagpunyaging ito. Mula sa mga walang pamasaheng daee ng Pilipinas na literal na nagpipiga ng kupya (kasuotan sa ulo) gutom at walang trabaho, hanggang sa mga daee ng Saudi Arabia na kakarampot ang sweldo, malayo sa pamilya at ang tuwing biyernes na ginugugol sa dawah na sana ay laan sa kanilang pamamahinga ngunit mas piniling maglingkod sa Allah, tunay na ang pamamaos ng kanilang tinig, pamamaltos ng kanilang mga paa at pagkabutas ng bulsa ay may kapalit at tiyakang naghihintay na biyaya. Humahanga kami sa inyo mga KaYaKap!

Ang dalawang Jamil ng Balad Dawah Team
Sadyang may kakaibang ligaya ang hatid ng paglilingkod kay Allah (SWT). Kaligayahang dama dito sa dunya at mas higit na matatamo sa akhirah.  Sa mga pagpapagal, sakripisyo at hirap, walang pagtangis ang hindi tutumbasan ng ligaya at sarap.

Sa ngalan ng lahat ng mga nakatunghay at patuloy na sumusubaybay sa inyong mga pagsusumikap, sa ngalan ng mga taong nakabahagi ng iyong mga sakripisyo at kabutihan, sampu ng mga taong nakatuwang at pawang mga nagabayan. Maraming-maraming salamat mga kapatid. 

Pagpalain nawa kayo ng Dakilang Lumikha at Mabuhay kayo mga KaYaKap!

Mula sa manunulat:

Personal na pasasalamat sa mga kapatid sa Balad Islamic Center ang aming ipinahahatid sa lubos na pagaasikaso at pagmamahal na inukol ninyo sa aming pananatili sa Jeddah. Loobin nawa ng Dakilang Lumikha na magkasama-sama tayong muli inshaAllah.

Para samga kapatid, kababayan, mga nagsusuri o may mga katanungan hinggil sa Islam na papunta o nasa Jeddah, KSA, iniimbitahan po namin kayong dumalaw sa tanggapan ng Balad Islamic Center. Maaaring tawagan si kapatid na Jamil Oti sa numerong: 0501375318. 

Karagdagan at espesyal na pasasalamat kina: Ustad Muhammad Amin Rodriguez, Ustad Ahmad Peradilla, Ustad Alimuddin (Clive Channel), Ustad Abdul Wahid Gabugatan, Sheik Ali Abdullah Lumanog, Sheik Abdul Hadie, Ustadz Omar Bobis, Bro. Jamil Devoted Islam, Sheik Jamil Oti, Sheik Harun Sanchez, Aleem Omar Sultan sa Unayan, Bro. Abu Jibreal Camon, Bro. Ibrahim Pagdanganan, Bro. Muhammad Faris Diaz, Bangsa Moro (Alyumie Ayeshah Odin), Saleh Censhon Daquilog Ipulan, at maraming iba pa.

Maraming-maraming salamat po mga kapatid. Jazakumullahu khairan!