Martes, Nobyembre 4, 2014

Panghambambuhay na Pangarap



Isinalin sa wikang Filipino mula sa "Dream of a Lifetime"
Ulat ni Abdulmalik Angelo. B. Carpio
Philippine Media Representative, Hajj Season 1435 / 2014 
para sa Embahada ng Kaharian ng Saudi Arabia sa Pilipinas
at Muslim Affairs Council of the Philippines (MACPHIL)


Sa Ngalan ng Allah ang Pinakamapagpala ang Pinakamahabagin

Assalamu alaikum wa rahmatullahi wa barakatuh.

Swerteng maituturing, kasabay ng aktuwal na karanasan ng mamamahayag na ito sa banal ng lungsod ng Makkah, ang pagkakabasa ko sa headline ng isang dyaryo sa Saudi “Panghabambuhay na Pangarap”. Bunga ng pagkamangha sa napakagandang titulong iyon na para sa akin ay siyang pinakaperpektong salita para sa isang manunulat, mamamahayag o pangkaraniwang tao  na maglalahad ng kanyang hindi malilimutang karanasan upang gawing pamagat, magpapauna na siguro akong umamin ng pangongokpya kung sakali man. Oo, “Panghabambuhay na Pangarap” ang nais kong gawing pamagat sa ulat o artikulong ito.

Ang taong 2007 ay taon na hinding-hindi ko malilimutan sa aking personal na buhay paglalakbay – ang pagkakataong makarating sa Banal na Lungsod ng Makkah. Doon ay aking napagtanto na ang biyaya ay may literal at aktuwal na kahulugan. Isang kagalakang mabiyayaan na makita ang tahanan ng Allah. Alhamdulillah!

Eksaktong pitong taon makalipas, ang manunulat na ito’y muling naimbitahan sa ikalawang pagkakataon upang masaksihan ang mga pagbabago sa kasaysayan ng relihiyon at sibilisasyon. Sa pangunguna ng Minstry of Culture and Information sa pakikipagtulungan ng Royal Embassy of Saudi Arabia sa Pilipinas, ako, kasama ng  limampo’t limang mga bisita ng Tagapangalaga ng Dalawang Banal na Mosque ay lumipad patungong Saudi Arabia bilang Pambansang Kinatawan sa larangan ng Pamamahayag para sa 2014/1436 Hajj season.

Ang Hajj ay isa sa haligi ng Islam. Pero sa Pilipinas lalo na sa mga Pilipinong Muslim, ang Hajj ay katuparan ng pangarap. Katuparang aking nakamit hindi lamang isang beses manapa’y sa ikalawang ulit at pagkakataon! Alhamdulillah!

Kung tutuusin, pambihirang pagkakataon para sa isang ordinaryong tao katulad ko mula sa malayong bansa sa Timong Silangang Asya ang mabigyan ng pagkakataon hindi lamang mabisita kundi’y maging panauhin ng kaharian ng Saudi Arabia. Isang pambihirang karanasan.

Akalaing makita ang tahanan ng Allah ng harapan sa eksakto nitong lugar kung saan ang Propeta (Mapasa Kanya nawa ang Kapayapaan) ay nagdarasal, katulad ng mga pagdarasal at pasisikap ng mga Muslim mula sa henerasyong nagdaan at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan na isinasagawa, ipinagdiriwang at ginugunita. Katotohanan, walang katumbas ang Lungsod ng Makkah saan mang panig ng mundo!

At akalain ang pagkakataon na dumalo sa pagtitipunan ng mga mamamahayag na Muslim mula sa ibat-ibang bansa para sa isang espesyal na okasyon/paguulat na may kinalaman sa pananampalataya. Isang walang katumbas na karanasan ng pakikisalamuha at kapatiran kaugnay ng propesyonng pinanghahawakan.

Hindi ito imahinasyon. Hindi pangarap lamang. Alalaong baga’y isang katuparan na marapat na ibahagi….at ito ang aking paglalakbay tungo sa Panghambambuhay na Pangarap!
 
Ang mga Inteneraryo

Pagkarating palang sa King Abdul Aziz International Airport sa Jeddah, (ang pandaigdigang paliparan para sa mga maghaHajj) isang malaki at modernong paliparan ang sumalubong sa akin. Doon ay naghihintay na ang staff ng Ministry upang alalayan ako, saglit na pagpahingahin at painumin ng tsaa sa kanilang opisina sa airport at kinalaunan ay inihatid gamit ang isang magarang sasakyan papunta sa aking akomodasyon. Isang Five star hotel ang naghihintay na akomodasyon pala sa akin sa Marriott Hotel Jeddah kung saan magbubukas ang pintuan para sa aking pangarap na panghabambuhay.

Matapos makipag-ugnayan sa tanggapan na inilagay sa mismong hotel para sa mga bisita ng Ministry, malugod akong inihatid sa aking kwarto upang magpahinga mula sa maghapong paglalakbay. Isang marangyang almusal ang nakahain kinaumagahan sa isang restaurant sa mismong hotel sa mezzanine ng Marriott na siyang nagsilbing five-star na kusina para sa aming araw-araw na pagkain. Masarap ang mga pagkain at tunay nga namang ubod ng rangya.   

Umrah (o pagbisita sa Makkah) ang unang schedule para sa araw na iyon. Hapon na ng ihatid ako ng isang pagkalaki-laking bus (oo, ako lang magisa at sa isang bus!) kasama ang isang staff ng Ministry at isang masayahing Indonesian driver. Nakalulungkot nga lamang at pawang hindi marunong magsalita ng Ingles ang dalawang kasama ko. Dahil dun, naperpekto ko siguro ang talbiyah mula Jeddah hanggang Makkah. Subhanallah! 


Ang service Bus ng Ministry of Culture and Information
Pansin ko ang istriktong pagpapatupad ng batas at kaayusan mula sa mga checkpoints at outposts na itinayo para sa seguridad ng mga pilgrims. Makikita ang mga pulis kahit saan at ang mga dokumento gaya ng permit at ilang papeles ay maingat na binubusisi.

Pagkarating na pagkarating sa Makkah, sinalubong kami ng isang staff na nakatalaga sa ELAF ALMASHAER HOTEL na nagsisilbing satellite office ng Ministry ‘di kalayuan sa Masjid Al Haram. Mula doon, binigyan ako ng tagubilin na bumalik sa opisinang iyon sa hotel pagkatapos kong maisagawa ang umrah. Buong giIas kong binagtas ang daan patungo sa lugar ng Kaabah magisa na animo’y kabisado ang lansangan nito.

Pagkamangha ang aking naramdaman sa ganda at grandiyoso ng Kaabah; “handa ka na bang makita ang Kaabah?” Tanong ng staff ng Ministry sa akin kanina. Akala ko’y dahil sa pangalawang pagkakataon ko na ito ay hindi na ako mabibigla pa. Ngunit sabik akong makita itong muli sa totoo lang. Sino ba ang hindi?

Tunay nga namang hindi nito binibigong pamanghain ang kahit sino, lalo na yaong palagiang naghahangad ng pamamatnubay. Parang laging first time kumbaga. Aaminin kong naluha ako pagkakita pa lang sa mataas na torre na may malaking orasan habang nasa kalasada patungong Makkah (palatandaan na kasi iyon na malapit ka na sa Baitullah). Subalit nang ihakbang ko na ang aking paa sa pintuan ng Makkah, ramdam ko ang hindi maipaliwanag na pananabik.

Dati, sa pag apak mo palang sa pintuan ng Makkah, tanaw mo na kaagad ang Kaabah. Ngunit dahil na rin sa mga konstruksiyon upang palawakin ito ay lalong nadadagdagan ang pananabik ninuman upang hanapin ang pinakamainam at pinakamagandang lugar sa buong mundo – ang Tahanan ng Allah, ang Kaabah. 

Ang walang kasing gandang Kaabah
Hindi ang masakit sa mata at nagtatayugang cranes sa paligid nito ang makasisira ng ganda ng “baitullah” ito pa rin ang Kabbah mula sa panahon ni Propeta Abraham (A.S.) at syempre ang Kaabah noong kapanahunan ni Propeta Muhammad (SAWS). Pinaghalong ganda ng nakalipas at modernong panahon – pagsisikap na dapat ay ipagpasalamat ng mga Muslim sa pamunuan ng gobyerno ng Saudi sa pangunguna ng Tagapangasiwa ng Dalawang Banal na Mosque.

Ginhawa at kaayusan ng mga nagpipilgrimahe marahil ang pangunahing dahilan kung bakit hindi tumitigil ang pamahalaan ng Saudi sa pagiisip at pagpaplano sa pagpapalawak ng Grand Mosque. At palagay ko’y napangatawanan naman nila. Maginhawa kong naisakatuparan ang aking Umrah sa ilang saglit lamang.    

Kasabay ng pagdarasal ng Isha ay natapos ko rin ang ritwal ng umrah. Bumalik ako sa tanggapan ng Ministry sa hotel at mula doon ay magalang na inihatid sa bus upang bumalik sa Marriott Hotel sa Jeddah.

Ang napakatayog at magandang Clock Tower o ang Abraj Al-Bait
(Mecca Royal Hotel Clock Tower)
Ikalawang araw, ayon sa programa, kasama nang ngayon ay kumpleto ng delegado ng mga kinatawan ng media sa ibat-ibang bansa, muli kaming sinamahan ng mga staff ng Ministry pabalik sa Makkah kung saan naroon ang museo na kung tawagin ay “Kapayapaan Sa’yo, oh Propeta”. Ito ay isang inter-active museum kung saan makikita ang mga miniature replica ng lumang Makkah at Madinah kasama na ang family tree ng mahal na Propeta (SAWS) kabilang na ang kanyang mga katangian na naka- display para sa impormasyon at pagaaral.

Ilang replica rin at mga aktuwal na sandata kasama na ang mga kasuotan, kagamitan at ilang bagay na ginamit ng Propheta (SAWS) ang makikita. Matapos magalugad ang kabuuan ng museo, pinatuloy kami sa isang guest room na may nakahandang dates, tsaa at ilang inumin  bilang meryenda. Ilang saglit pa’y, isang kawani ng museo ang naganunsiyo na humanda raw kami sa pagdating ng mismong may-ari ng museo upang personal kaming makaulayaw. Ang sana’y simpleng meet and greet ay nauwi sa isang mini-press conference na malugod namang pinaunlakan ng may-ari. Doon na nagtapos ang aming araw at muli kaming inihatid pabalik sa aming hotel sa Jeddah kung saan isang Press Center ang nakahanda at nagsisilbing opisina at communication center na talaga namang lalo pang nagpagaan sa aming trabaho .  

Ang Museo ng “Kapayapaan Sa’yo, Oh Propeta”


Mga larawan mula sa loob ng Museo

Ang may-ari ng museum na malugod na tumanggap sa mga kagawad ng media.
Mga kinatawan ng Media mula sa ibat-ibang bansa.

Ang Media Center sa Marriott Hotel
Ang Islamic Development Bank (IDB) ang sumunod naming binisita kinabukasan sa Headquarters nito sa Jeddah. Isang Press Conference sa pangunguna ng Pangulo ng IDB Group na si Dr. Ahmad Mohamed Ali ang siyang nagpasinaya ng nasabing PressCon. Ipinaalam sa mga kinatawan ng media, mula sa ibat-ibang bansang Islamiko ni Dr. Ali ang tungkol sa Saudi Project for Utilization of Hajj Meat na siya umanong pinapangasiwaan ng IDB, ay ipinapakilala sa kauna-unahang pagkakataon ang sistemang Adahi Mobile Point of Sale. Layunin umano nito na maging maginhawa para sa mga nagpipilgrimahe at sa mga interesadong bumili ng Hady, Fidya, Odhiya, Sadaqa o Aqeqa.

Ipinaliwanag rin ng Pangulo ng IDB na ang proyekto ay dinisenyo upang maging madali sa mga nagsasagawa ng pilgrimahe ang ritwal nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga hayop na kakatayin na tumutugon sa sharia at ilang pangkalusugang batayan at upang masiguro na rin na protektado ang kalikasan sa paligid ng mga banal na lugar.

Nabigyan ako ng pagkakataon na magtanong tungkol sa mga espesipikong paraan upang masawata ang mga illegal at random slaughtering activities at kung paano sila nakikipagtulungan sa mga kinauukulan upang lubos na magabayan ang mga nagsasagawa ng pilgrimahe. Ikinatwiran ni Dr. Ali ang Royal Decree 131 of 15/6/1419H (5/10/1998) na kung saan ay opisyal na idinideklara umano na ang tanging institusyon na otorisadong magbenta ng Adahi coupons ay nakatalaga lamang sa Saudi Arabia Project for the Utilization of Hajj Meat. Idinagdag pa ng huli na ang pagpapatupad ng batas laban sa mga illegal na aktibidad na may kinalaman hinggil dito ay mahigpit na ipinapatupad sa pakikipagtulungan ng mga pulis. Hinikayat rin niya ang media na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa proyekto.

Binigyang diin din ng Pangulo ng IDB na ang lahat ng hayop na kakatayin ay nasuri ng mga beterinaryong duktor at Sharia scholars upang masiguro na tumutugon ang mga ito sa Sharia at lahat ng batayang pangkalusugan. Ang nasabing okasyon ay dinaluhan din ng ibat-ibang news agencies sa Jeddah.

Press Conference sa IDB kasama ang mga Media representatives mula sa ibat-ibang bansa
Isang buong araw na nagpahinga ang delegasyon upang maghanda sa pinakamalaking coverage ng taon, ang Hajj coverage 1435/2014.

Ang Hajj Coverage

Isang araw bago sumapit ang “Yaumul Arafat” (Araw ng Arafat), tumulak ang delegasyon patungo sa isang pribadong lugar ng Ministry of Culture and Information na espesyal na inihanda para sa media na nandoon sa Arafat. Isa itong lugar na kumpleto sa mga pasilidad na kailangan ng mga mamamahayag gaya ng media center na may desktop computers at wifi, tv studio, elevated rooftop tower para sa mas malawak na view ng Namira Mosque, quarters para sa tig-10 journalists kada kwarto, isang malaking dining room na kasya ang halos 300 katao, at syempre isang masjid. Doon ay nakasalamuha na rin naming ang karagdagan at mas malaking delegasyon ng mga mamamahayag.

Lubha akong namangha sa malaking pagtitipong ito ng mga Muslim na kinatawan ng media mula sa ibat-ibang Islamikong bansa sa buong mundo. Hangad kong balang araw ay kasama rin ang Pilipinas sa mga maguulat sa kaganapang ito, gaya ng kung ano ang isinasagawa ng mga bansang Islamiko doon. Nandoon ako na may sarili ring coverage. Pinagmamasdan ang mga bansang Muslim habang nagbabalita tungkol sa Hajj sa kani-kanilang komunidad. Nandoon ako at nangangarap na balang araw ang Pilipinas ay makapaghahatid rin ng balita sa komunidad ng mga Pilipinong Muslim sa kani-kanilang tahanan habang nangyayari ang pambihirang kaganapang iyon. Nandoon ako at nananalangin para sa sariling Muslim network. Baka sakali, tutal nandoon nman ako sa Arafat kung saan ang dua ay tinatanggap inshaAllah.

Ang pinakamalaking pagtitipon ng mga mamamahayag na Muslim sa buong mundo.
Ang Media Center sa Ministry's Camp sa Arafat


Ang dining area sa Ministry's Camp sa Arafat

Ang Namira Mosque mula sa torre ng media center


Pagkalubog ng araw, tumulak naman kami patungong Muzdalifa. Isang hiwalay at eksklusibong lugar muli ang pinagdalhan sa amin. Doon ay pinalipas namin ang oras sa pagdarasal, pagkain  at pagkakarga ng baterya sa mga dala-dalang gatgets. Pumulot na rin kami doon ng mga maliliit na bato bilang paghahanda sa ramee or pagbato sa Jamarat. “Natutuwa akong ginagawa ito” sambit ng isang mamamahayag na kasama ko, “akalain mo, nakapaglilingkod ka na sa Allah, nakapaghajj at umrah pa habang nagseserbisyo publiko sa pagbabalita. Napakasarap na buhay, gustong-gusto ko ang trabaho kong ito!” dagdag pa niya.
 
Mga mamamahayag na Muslim sa Muzdalifa
Muli kaming lumipat sa isa nanamang banal na lugar na kung tawagin ay Mina. Isang maginhawang akomodasyon muli ang naghihintay sa amin na may kaparehong pasilidad na inihanda ng Ministry of Culture and Information para sa mga mamamahayag na nag-uulat sa kaganapan ng Hajj. Ang estratehikong lokasyon nito ay nagbigay pagkakataon sa amin na pagmasdan ang kabuuan ng Jamarat at ang mga kaganapan sa paligid nito. Dahil dito’y maginhawa rin naming naisagawa ang ramee or pagbato sa Jamarat (sa kabila ng lahat, Muslim pa rin naman ang buong delegasyon at hindi hahayaang lumampas ang pagkakataon na hindi makapaghajj at umrah).

Ang mga kagawad ng media habang abala sa pagkuha ng mga tagpo sa Arafat.
Ang kabuuan ng Jamarat mula sa Media Center


Kasabay ng pagtanggal ng ihram ay ang pagtatapos na rin ng ritwal ng Hajj, ngunit hindi sa mga mamamahayag na nakaantabay sa mga kaganapan. Nananatili kaming nakaabang sa bawat pangyayari sa pagtatapos ng okasyon. Saksi kami sa kagalakan ng mga haji na sa wakas ay nakamit ang habambuhay na pangarap. Muling gumiling ang kamera sa panibagong pakikipanayam sa mga nagsagawa ng pilgrimahe at ilang interesanteng kwento kasama na ang tila walang katapusang dagsa ng mga tao sa jamarat.   

Samantala, isang imbitasyon ang aming natanggap bilang pagkilala sa delegasyon ng media, (hindi lahat ng nasa delegasyon ay nakasama, mapalad akong mapabilang sa mga napiling dumalo) dignitaryo at ilang opisyal ng gobyerno mula sa ibat-ibang bansa. Isang kagalakan at karangalan na maimbitahan ng Tagapamahala ng Dalawang Banal na Mosque sa Mina Royal Palace.  Sa ngalan ng Kanyang Kamahalan, Haring Abdullah bin Abdul-Aziz Al Saud, si Crown Prince Salman bin Abdul-Aziz Al Saud ang sumalubong sa amin sa pamamagitan ng pakikipagkamay at salaam. Isang marangyang hapunan sa palasyo ang inihanda pagkatapos ng programa bago kami tuluyang bumalik sa kampo ng Ministry sa Mina.


Ang imbitasyon mula sa Hari ng Saudi Arabia
Nagtapos ang aming Hajj makaraan ang ilang ikot o tawaf sa Kaabah ngunit walang patid pa rin ang bilang ng mga tao sa paligid ng Makkah na animo’y kasisimula pa lang ng okasyon.  Muli kaming dinala sa Marriott Hotel sa Jeddah upang manatili ng ilang araw para sa susunod na huling hinto ayon sa programa – Madinah.  
  
Mga mamamahayag mula sa Pilipinas, Albania, Singapore, Thailand, Indonesia at Kyrgyzstan
 Madinah – Ang lungsod ng Propeta

Limang oras na paglalakbay rin ang aming binuno mula sa Jeddah patungo sa lugar na kung tawagin ay Madina al Munawarah. Lubog na araw nang kami ay dumating at magcheck-in sa isa nanamang marangyang akomodasyon sa Dar Al Iman Intercontinental Hotel kalapit lamang mismo ng Masjid al Nabawi. MashaAllah!

Pinayuhan kaming magpahinga at bisitahin na lamang ang Masjid kinabukasan upang maghanda sa panibagong programa.  Ngunit kasama ng ilang Asyanong mamamahayag, hindi namin mapapalampas na hindi makita ang kagandahan ng Masjid na katapat lamang ng gusali ng aming hotel.  Sabay-sabay kaming nagdasal ng Maghrib at Isha sa mismong lugar kung saan ang mahal na Propeta Muhammad (SAWS) kasama ang kanya mga Sahaba (Kalugdan nawa sila ng Allah) ay itinayo ang lungsod na habang-buhay na tatanggap at maglilingkod sa mga manlalakbay mula sa ibat-ibang nasyon. 

Ang kamangha-manghang Masjid Al Nabawi

Muling tinawag ang bawat isa sa amin para sa isa nanamang paglalakbay sa bahaging iyon ng Madinah. Sa loob lamang ng halos beinte minutos, nasa isang makasaysayang lugar muli kami ng pananampalatayang Islam. Ang bundok ng Uhud ang unang programa para sa araw na iyon.

Doon ay nakita namin ang himlayan ni Hamza (kalugdan nawa siya ng Allah) at syempre ang lugar sa bundok ng Uhud kung saan naganap ang digmaan sa pagitan ng mga Muslim at Paganong Quraish. Hindi na kinailangan pang saysayin sa amin ang tungkol sa lugar na iyon sapagkat malaon na itong batid ng lahat mula sa mga pagtalakay sa aklat at maging sa loob ng masjid.

Ang talampas sa Bundok ng Uhud

Masjid al Quba, ang kauna-unahang Masjid na itinayo ng Propeta (SAWS) ang pangalawa naming pinuntahan sa araw na iyon.  Nakarating na ako sa lugar na iyon ngunit masaya akong nakita ito muli.  Lahat kami ay nag-alay ng dalawang rakat doon sapagkat nabanggit ng Propeta (SAWS): “Sinuman ang maglinis ng kanyang sarili sa kanyang tahanan at tumungo sa Masjid Quba at maglaan ng dalawang rakat na panalangin doon, ay bibiyayaan ng gantimpala na katumbas ng Umrah.”

Ang Napakaganda at Makasaysayang Masjid Al Quba

Nanatili kami ng dalawang gabi at dalawang araw sa Madinah bago bumalik sa Jeddah Marriott Hotel. Alhamdulillah, nakapagsalah pa kami ng Jummah sa Madinah bago muling maglakbay pabalik.

Ang Pagtatapos               

Ang selebrasyon bilang pagtatapos ng Hajj sa ilalim ng pangangasiwa ng Kagalang-galang na Dr. Abdulaziz bin Mohiuddin Khoja, Ministro ng Kultura at Impormasyon para sa mga kinatawan , panauhin at delegado ng Media para sa Hajj season 1435 /2014 ay idinaos sa marangyang Hilton Hall sa Hilton Hotel Jeddah K.S.A. Dinaluhan ng mga delegado ng media (bilang mga panauhin) at mga kawani ng Ministeryo na nakilahok at umasikaso sa mga mamamahayag sa pagcover ng nasabing okasyon.

Isa-isang nagbigay ng talumpati ang mga kinatawan ng Asya, Europa at Gitnang Silangan bilang pasasalamat sa pagasikaso ng Ministeryo sa mga mamamahayag sa maayos at maginhawang pagsasakatuparan ng kanilang paguulat.

Ang selebrasyon sa Hilton Hall, Hilton Hotel sa Jeddah, bilang pagtatapos ng Hajj coverage 1435 /2014



Sa likod ng mga banta ng terorismo, pagkalat ng virus na ebola at ilang mga sigalot na nakakaapekto sa mga Muslim sa ngayon, hindi natinag ang mga Muslim mula sa ibat-ibang panig ng mundo upang maglakbay sa Banal na Lungsod ng Makkah bilang mga magpipilgrimahe para sa Hajj ngayong taon na ito. Isang pagtitipon na hindi kayang tumbasan saan man sa mundo.

Sinuong ang mga hamon ng suliranin, ang mga manlalakbay na ito ay nangagtipon upang isakatuparan ang ika-limang haligi ng Islam tungo sa ikalulugod ng Allah (SWT) at bilang pagtugon sa obligasyon sa pananampalataya na sumisimbolo sa maliwanag na katotohanan ng pagkakaisa ng Ummah.
                                                                                                           
Sa kanyang talumpati para sa mga manlalakbay sa Sagradong Tahanan ng Allah ang Pinaka Makapangyarihan para sa taong ito ng Hajj 1435 / 2014, Ang Tagapangalaga ng Dalawang Banal na Mosque Haring Abdullah Ibn Abdul Aziz Al Saud ay nagwika; “Ang Hajj ay pang-lima sa haligi ng Islam upang linisin ang mga  Muslim mula sa mga kasalanan, upang magsimula ng panibagong buhay na puno ng magagandang gawain at maisakatuparan ang malakas, at  makatotohanang bigkis ng kapatirang Islamiko sa kapwa nito muslim.. Sa panahon ng Hajj, ang mga Muslim mula sa ibat-ibang panig ng mundo ay nagkakaisa, sa kabila ng pagkakaiba ng kultura, kaugalian at maging sektang pangrelihiyon. Sa Hajj, sila’y magkakasama, na walang pagkakaiba sa pagitan ng Arabo, hindi-Arabo, itim o puti. Hajj ang nagbigkis sa kanilang lahat sa paniniwala sa Allah, na may malinis na damdamin at hindi hinahayaan si Shaytan na sirain ang dalisay na damdamin sa bawat isa.”

Ang paglalakbay sa mga banal na lungsod, lugar at mga ritwal ng Hajj sa Kaharian ng Saudi Arabia ay naging posible para sa nagiisang kinatawan na ito ng Pilipinas sa pagtulong at rekomendasyon ng Ministeryo ng Kultura at Impormasyon at ng Embahada ng Kaharian ng Saudi Arabya sa Maynila sa pamumuno ng Embahador ng Kaharian ng Saudi Arabia sa Pilipinas, His Excellency Abdullah Al Hassan.

Isang malaking karangalan at pribilehiyo na isinusumite ko ang ulat na ito: Panghabambuhay na Pangarap at karanasan kasabay ng pagasam na ang Ministeryo at Embahada ng Kaharian ay patuloy na sumuporta at tumulong sa pagpapadala ng mga delegadong Muslim mula sa Pilipinas sa ngalan pagkakapatiran at pagkakataon na masaksihan ang Islamikong pamamaraan ng pagtitipon-tipon at pagkakaisa ng bawat isang Muslim sa paglilingkod sa Allah (SWT).  

Makakaasa kayo na ang Media Department ng Muslim Affairs Council of the Philippines (MACPHIL) ay mananatiling kaisa sa pagpapakalat ng impormasyon para sa kapakanan ng mga Pilipinong Muslim tungo sa pagtuturo at pagpapaunawa sa mga susunod na bisita, magpipilgrimahe at espesyal na panauhin ng taunang okasyon.

Tanggapin nawa ng Allah (SWT) ang mga dua/panalangin ng mga naglakbay kasama na ang mga naging daan at dahilan upang maging madali para sa kanila ang pagsasakatuparan ng Hajj at Umrah inshaAllah. Hajj Mabroor! Allahuakbar! Allahuakbar! Allahuakbar!


Si KaYaKap na Abdulmalik Angelo Carpio bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Hajj Coverage 1435/2014
Mga panayam mula sa kapwa mamamahayag kaugnay ng Hajj Coverage 1435/2014