Sabado, Disyembre 28, 2013

Ang Dawah sa Luneta


Hindi ito kuwento ng pagYakap manapa’y kuwento ng mga nagsisikap.


Hindi na mabilang ang mga kababayan nating naliwanagan, nabuksan ang puso at isipan, nagsuri, nakarinig at nakatagpo ng katotohanan. Sa pamamagitan ng mga walang patid na pagsisikap ng mga muslim sa larangan ng dawah, walang tigil din ang pagdami ng mga yumaYakap o nagbabalik-Islam.

Ang simbulong ito ay ginagamit bilang pagsaksi sa Kaisahan ng Allah.

Ang dawah sa Rizal Park o mas kilala bilang Luneta ay masasabing isa lamang sa napakaraming pamamaraan ng mga Pilipinong Muslim na maipamahayag ang Islam sa ating mga kababayan. Kumpara sa ibat-ibang istilo ng pamamahayag o pagaanyaya, ang dawah sa Luneta ay maituturing na institusyon at bahagi na ng tradisyong dekada nang isinasagawa ng mga muslim dito.

Ang Luneta, bilang Pambansang Pasyalan (National Park) ay dinarayo ng maraming tao. Turista, probinsiyano o taal na Manilenyo, ang pook na ito ay hindi nawawala sa listahan ng mga nais magliwaliw sa lungsod. Marahil ay tugma sa kasabihang “hindi mo narating ang Maynila kung hindi mo nakita ang Luneta”.

Ang bantayog ni Gat Jose Rizal - ang pangunahing atraksiyon sa Luneta.
Sa saglit na pagbabalik-tanaw at pagpapakilala sa lugar na ito, ang Luneta ay itinanghal at itinuring na pangunahing pasyalan noon pa man. Itinayo noong 1700’s, kilala bilang Bagumbayan na kinalaunan ay tinawag na Luneta mula sa salitang “lunette” o half-moon na siyang hugis ng nasasakupan nito. Sa kasalukuyan, opisyal itong tinatawag na Liwasang Rizal. 

Dahil na rin sa pagiging pasyalan o pamosong pinagtitipunan ng mga tao, dito na rin isinasagawa ang ilang mahahalagang aktibidad ng pamahalaan. Sa lugar na ito binitay ang napakaraming Pilipino noong panahon ng kastila kasama na ang mga kilalang personalidad sa kasaysayan gaya nina Dr. Jose Rizal at ang tatlong paring-martir na kilala sa katawagang GOMBURZA. Sa lugar din na ito ideneklara ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Amerikano. 

Bago pa man gamitin ang EDSA bilang pook ng pagsisiwalat ng mga hinaing sa pamahalaan, ang Luneta mula noon hangang ngayon ay piping-saksi sa napakaraming kuwento ng pagbabago at ipinagbago ng mga Pilipino.  

Ngunit hindi pa tapos ang laban, may digmaang linggo-linggong nagaganap sa Bagumbayan.

Ang umpukan ng mga debatista sa Luneta.
Kung ang hanap mo ay libangan, pamamahinga, pagkain at kaalaman (isama na rin ang paghahanap ng  katotohanan) kumpleto ang Luneta.

Sa isang sulok ng malawak na pook-pasyalang ito, isang grupo ng mga muslim ang matiyagang nag-aanyaya sa mga tao na pakinggan ang katuruan ng pananampalatayang Islam. Masasabing ang mga pinakamagagaling at beteranong mga debatistang muslim katulad nina Ustadz Ahmad Barcelon, Sheik Rashid Indasan at maraming iba pa ay hinubog at nahinog sa lugar na ito.

Sina Ustadz Ahmad Barcelon at Sheik Rashid Marneld Indasan.
Magmula sa mga samut-saring tanong, (may pagka-pilosopo man o may halong kabastusan) ang simpleng umpukan sa gitna ng mataong lansangan ng pook-pasyalang ito ay maibibilang na karagdagang atraksiyon na ligguhan kung hindi man regular na makikita sa Luneta.

Katulad ng mga dinarayong tanawin sa lugar na ito, ang debate sa Luneta ay may sarili ring mga parokyano. Mula sa mga indibidwal na may kani-kaniyang pananampalataya o paniniwala, ang mga debateng walang pormal na panuntunan o sinusunod na regulasyon ay isang hamon na laan lamang para sa mga bihasa at matitibay ang loob, hindi pikon at manhid sa mga bulyaw at kantiyaw ng mga manoood na ang ilan ay napadaan lamang o regular nang tagasubaysay ng mga maaaksyong tunggalian ng argumento’t opinyon.

Ang debate sa Luneta.
Tunay na masikap ang mga Pilipino at kabilang sa katangiang ito ay ang hanapan ng pakinabang at gawing oportunidad ang isang pagkakataon. Para sa iba, ang pagdagsa ng maraming tao ay pagkakataon upang kumita. Ngunit para sa mga kapatid nating muslim sa Luneta, ang pagdagsa ng tao ay oportunidad din upang makinabang at kumita – sa kabilang buhay.

Ang umpukan ng maraming tao sa Luneta.
Pagdating na pagdating pa lang sa lugar, abala na ang mga kapatid na Muslimah sa paglalatag (hindi ng paninda) ng mga kitab o babasahing islamiko na libre nilang ipinamimigay sa mga dumaraan.  Bitbit ang kahon-kahong mga babasahin, isa-isa nila itong isinasalansan ayon sa pagkakapare-pareho ng nilalaman.

Agaw atraksiyon kaaagad ang mga maliliit na libro na katulad ng isang paninda ay iniaalok din ng mga kapatid sa mga dumaraan. Isang pagkakataon na kahit sa munting aklat na ipinamimigay lamang ay maiparating ang Islam.


Mga babasahing Islamiko na libreng ipinamimigay sa mga nagdaraan.
May mga tumatanggi, kusa ng dumadampot, simpleng tinatanggap lamang ang iniaabot na babasahin at mayroon din namang interesado at nagtatanong pa. Asahang naguunahan pa ang mga kapatid na paunlakan at sagutin ang mga katanungan sa sinumang may nais malaman. Katulad ng mga uhaw sa kaalaman kung kaya’t nagtatanong, pawang mga ngiti ng mga kapatid ang agad na bubungad bago pa man sumagot bilang paghahangad din naman nilang makatanggap ng biyaya mula sa mga pagsusumikap na makapagbahagi ng kanilang kaalaman.  

  





Bawat isa’y may pananabik na naghihintay sa ilang mga kapatid na bagamat walang usapan ay dumarating. Kapagdaka’y sama-samang maguumpukan na animo’y nagpi-picnic sa parke ang magkahiwalay na grupo ng babae at lalaking muslim upang pagsaluhan ang baon-baon nilang pansit at tinapay. Parang iftar lang ang eksena! Masaya ang bawat isa, animo’y walang problema. Mistulang nahimasmasan sa maghapong pagtitiis at kapagdaka’y pagsasaluhan ang inaabangang biyaya.

Matapos mabusog, dito na magsisimula ang programa. Mayroong maliit na speaker at mikroponong nakadikit sa bibig ang magsasalita. Tawheed, Limang Haligi ng Islam, Sino si Allah, Sino ang mga Muslim, Ano ang Qur’an. Mga tema o topic na kadalasang maririnig bilang pambungad na pananalita’t pag-aanyaya ng mga kapatid sa mga nagdaraan o namamasyal lamang. 

Ang isang kapatid na muslim habang binabasa ang talata mula sa Banal na Qur'an.
Si kapatid na Muhammad Bashier habang pinapalibutan ng mga nakikinig.
Nakapalibot ang mga nanunuod kasama na ang mga muslim na nakikinig rin bilang pagdadagdag kaalaman habang nasa gitna nito ang napiling magsalita sa oras na iyon. Makikita rin ang isang kapatid na may hawak-hawak na cellphone habang kinukunan ng video ang nagsasalita para naman sa mga nais mapanuod ito sa internet.  

Hindi maiiwasang mayroong magtatanong o “tatanong.” (tatanong - ay salitang nangangahulugan na ang nagtatanong ay walang balak alamin ang kasagutan manapa’y nais lamang makipagtalo at ipaglaban ang kanyang sariling opinyon) Ito ang simula ang debate.

Larawang-kuha mula sa Luneta habang isinasagawa ang impormal na debate. 
Eksena sa Luneta sa kalagitnaan ng tanungan at pagsagot.
Si kapatid na Muhammad Bashier Sacaguing ay ang pangulo ng mga debatistang muslim sa Luneta. Siya ang pangunahing pambato sa larangan ng pakikipagtuligsaan sa mga argumentong may kinalaman sa pananampalataya. May kalibre na katulad ng mga debatistang nabanggit sa unang bahagi ng artikulo, ang bawat buklat niya ng Bibliya o Qur’an ay mistulang pinagtagni-tagning kasagutan na walang lulusutan sinuman ang kumalaban.  Nakatutuwang sa bawat banat ng kalaban ay may katumbas siyang binubuklat at babasahing talata bilang kasagutan. Sa bawat hamon ay may katumbas ring paglilinaw at kontra-paghahamon.
 
Si kapatid na Muhammad Bashier (nasa gitna) habang nagpapaliwanag sa tanong ng isang kristiyano.  
Hindi lulusot ang pilosopo at bastos dahil ang mga nakapalibot na manonood ay nakaantabay rin upang sumigaw at mangantiyaw. Pumapailanlang din ang takbir o pagsigaw ng Allahuakbar ng mga kapatid sa bawat sablay, pag-iwas o pagpapalusot at pagkakamali ng kalaban. Mistulang sanay na sanay na ang mga umiikot na pulis at security guard ng parke sa mga eksenang katulad nito at hinahayaan lamang na magkatuwaan ang lahat. Magkatuwaan dahil tunay nga namang masayang panoorin ang tila live na eksena ng pinagsamang anyo ng sina-unang balagtasan at makabagong fliptop sa lansangan.

Walang entablado, spontaneous ang banatan ng pagtatanong at pagsagot. May nagkakampihan at kinalaunan ay magaaway sa parehong paniniwalang kani-kanina lamang ay pinagkasunduan. May sisingit na lasing, may magpapakilalang sinapian ng panginoon at may mga magagaling lumusot sa argumento ngunit handang-handang kampihan ang sinumang mag-aabot ng kaunting barya pambili ng samalamig o kape sa tabi-tabi.  

Si Kapatid na Muhammad Bashier habang pinakikitaan ng talata ng isang kristiyano.
Sa paglalagom, masasabing hindi pagaaksaya ng panahon ang pagpunta doon.

Hindi pagaaksaya ng oras ang panonood ng debate sa Luneta.     
Dahil pareho mong makikita ang tradisyon ng mga ninuno natin na parang kahapon lamang ay nandoon din at nakikipagtalo sa kani-kanilang sariling opinyon, gayun din ang mala-pelikulang bitaw ng dialogue na maaaring first time mo din lamang maririnig.

Hindi pagaaksya ng oras ang panonood ng debate sa Luneta.
Dahil kung ang hanap mo ay mga tanong na sabihin na nating may pagka-pilosopo at bastos subalit may sense din naman kahit papaano. Mga katanungan at kasagutang first time mo rin lang maririnig sa buhay mo.

Hindi pagaaksaya ng oras ang pakikinig at panonood ng debate sa Luneta.
Lalo na’t usaping pangkaligtasan ang pinaguusapan. May mga paliwanag na makatotohanan at basehan kang matututunan.  

Hindi pagaaksaya ng oras ang pagpunta mo sa Luneta. 
Maliban sa pamamasyal at pagtanaw sa magandang tanawin ay personal mong makikita ang pagsisikap ng mga kapatid mong naghahangad ng biyaya mula sa pamamaraang hindi mo kailanman nasusubukan pa.

At lalong hindi pagaaksaya ng oras ang pagpunta mo sa Luneta.
Upang saksihan ang pagYakap ng mga kababayan mong naliwanagan at natagpuan ang katotohanan sa Islam.

Ilan sa mga larawan ng mga aktual na pagYakap ng mga kababayan natin sa Islam.
Nagkataon lang marahil ngunit ang koneksiyon ng dawah sa Luneta at sa pagka-Pilipino ay tutugma sa buhay ng bayaning si Rizal na minsan ring tumuligsa sa maling relihiyon at paniniwala nating mga Pilipino. Ang mga depekto at bulag na pagsunod ay minsan na niyang naibulas:

“At kayong mga kabataan! Nananaginip pa rin kayo! …Gusto n’yong maging mga Kastila din kayo, pero hindi n’yo nakikitang ang pinapatay n’yo ay ang inyong pagkabansa! Ano ang inyong magiging kinabukasan? Isang bansang walang pagkatao at kalayaan? Lahat sa inyo ay hiram, pati na ang inyong mga depekto. Mamamatay kayo bago pa man dumating ang inyong kamatayan.”

Malaon nang namatay ang pagkabansa ng mga Pilipino base na rin sa panunumbat ni Rizal. Katulad ng mga paniniwalang dati’y pinanghahawakan at isinasabuhay ng ating mga ninuno. Sa katotohanan, kasama ng pananakop ay ang maling katuruang halaw mula sa mga pagano ang ipinakilala ng mga ito. May dahilan kung bakit nararapat ituwid ang mga binaluktot na paniniwala at magbalik-Islam ang mga Pilipino...Pagbabalik sa paniniwalang taglay ng ating lahi na inagaw mula sa ating mga ninuno at magpasa-hanggang ngayon.

Kung makapagsasalita lamang si Rizal mula sa bantayog na kanyang kinatatayuan, marahil, hahanapin niya ang mga Pilipinong kanyang ipinaglaban mula sa mga taong abala sa pagpindot ng cellphone at tablet sa pakikipag-facebook at chat ng walang kapararakan! Habang ibinabaling niya ang paningin sa mga muslim na inuumaga sa pagdadawah sa kalsada, nilalamok sa Luneta, sinasalag at ipinagtatanggol ang mga maling paratang sa mga muslim na bagamat may mga personal rin na suliranin at pangangailangan ay nakukuha pang mamasahe (ang iba’y naglalakad lamang) makarating lang sa Luneta.

Ngunit nasaan ang mga kapatid? Nasaan ang mga katuwang sa pagpapalaganap ng kaisahan ng Diyos at kaligtasan? Marahil ay kasama ng kanilang pinagkaka-abalahan at libangan. Nangangatwiran na ang Luneta ay para sa mga walang magawa sa buhay at pagliliwaliw lamang, gayong ‘di hamak na mas walang pakinabang ang kanilang pinagkaka-abalahan.
 
Kung makapagsasalita lamang si Rizal, malamang ay hihiramin niya ang sigaw ni Bonifacio, “Sugod mga kapatid!” sa halip na yaong binanggit niya bago siya tamaan ng bala sa katawan “consummatum est” (it is done)…Dahil hindi pa tapos ang laban! May laban pa sa Luneta!

Digmaan sa pagitan ng mali at katotohanan.

Ang mga kapatid na aktibong nagda-dawah sa Luneta.
Nawa’y makatulong ang artikulong ito na magising ang mga kapatiran upang minsan isang pagkakataon ay mapadpad at dalawin naman kahit papaano ang mga nagdadawa(h)ng mga kapatid sa Luneta. Hindi upang makipagtalo, hindi upang makinuod lamang, hindi upang makipagpuyatan o magpakagat sa lamok. Manapa’y upang makita ang ibat-ibang pamamaraan at dahilan meron ang mga muslim na isagawa ang pagsamba at paglilingkod sa Dakilang Lumikha.

Dahil sa katotohanan, hindi si Rizal o kung sinuman ang dahilan kung bakit kailangan nating magdawah sa matataong lugar gaya ng lansangan o sa Luneta. Marahil ay para sa ikaliligtas ng iba ang ating pagsusumikap na magdawah. Ngunit higit sa lahat, ito ay para sa ating sarili. Dahil hindi si Rizal o maging ang mga taong nagdaraan ang siyang nakatanaw at magbibigay ng gantimpala sa mga sakripisyo’t pakikipagpunyaging  ito.

Maaari ngang hindi lamang sa Luneta matatamo ang pagpapala at biyaya, ngunit sa paghahambing o pagtatanto, may dawah sa Luneta, nasaan ka?

Sayang ang mga koleksiyon mo ng kitab na kung hindi man patong-patong ay lukot-lukot na sa pinagtataguan. Bakit hindi mo ilatag yan sa Luneta?!

Sayang ang pakikipaghuntahan at pakikipagkape-han sa mall o kung saan man na wala namang pakinabang. Bakit hindi mo saluhan ang mga kapatid mo sa Luneta?! (magbitbit ka na rin ng pagkain kung may sobra sa ibabaw ng iyong lamesa)

Sayang ang pagpupuyat sa anumang walang-saysay na pinagkaka-abalahan. Bakit hindi ka pumunta at sumama sa dawah sa Luneta?! 

Tuwing linggo, tuloy ang laban sa Luneta. Kapatid, punta-punta rin pag may time!                
Sayang kasi ang oras kung walang pakinabang lamang ito na lilipas.



Mula sa manunulat:

Ipinagdiriwang ng mga kababayan nating Kristiyano ang kapaskuhan nang dalawin namin ang Luneta. Buo ang grupo ng PMA o Philippine Muslim Apologetics at Maharlikan Upliftment Dawah Apologetics for Peace para samantalahin ang pagdagsa ng maraming tao. Sapagkat para sa mga kapatid nating muslim sa Luneta, kasabay ng umpukan ng mga tao para sa noche buena, ay ang umpukan din at pagsasalo-salo sa biyaya ng katotohanan na pwedeng matamasa.

Pagpalain nawa ng Allah (swt) ang mga kapatid sa kanilang pagsusumikap na anyayahan ang tao sa Islam. Hanggang sa susunod na pagdalaw namin sa Luneta, sana'y muli tayong magkita-kita. Maraming salamat at mabuhay kayo mga KaYaKap!

Karagdagan:

Isang malaking debate ang inihahanda ng grupo sa darating na ika-19 ng Enero 2014 sa ganap na ika- 4 ng hapon hanggang gabi sa mas malaking venue sa nasabing lugar, sa pagitan ng Islam at Seventh Day Adventist Church. Ang lahat ay inaanyayahang dumalo. 




Miyerkules, Disyembre 11, 2013

Ang Kuwento ni Boy Kalbo

Ako si Boy Kalbo at ito ang aking Kuwento...


Kilala ako sa buong Proj. 4 Katipunan sa Lungsod ng Quezon bilang lakwatsero, basagulero, babaero, lasenggero, at lahat na ng mga masamang katangian na may hulaping  “ero” – Ako si Boy Kalbo, kilalang-kilala sa katarantaduhan at masamang bisyo. (Silipin n’yo pa ang records ko sa barangay at pulisya upang mapatunayan n’yo.)

Maaaring hindi kayo maniniwala, pero sa edad kong disi-siyete anyos (17) ay masasabi kong malayo-layo na rin ang aking nalakbay. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may magnet sa akin ang gulo. Takaw-gulo kung ituring ko ang pangaraw-araw kong pakikipagsapalaran sa buhay. Animo’y sistema sa aking katawan na normal ng sumasapit at nagdaraan. Menor de edad ako pero siguradong kaya kong magpatumba ng mga mas nakatatanda sa akin pagdating sa inuman. Ang drugs at babae naman para sa akin ay katumbas ng isang pambihirang pagkakataon. Pambihira dahil libre ko lang nakukuha at pambihira ulit dahil libre nga ngunit may kasalo! Pasa-pasahan lang ng ligaya, samahang walang iwanan. Barkadahang walang umagang inaabangan.


OFW ang nanay ko sa Malaysia at ang tatay ko naman ay hindi ko pa kailanman nakita. Nakikitira ako sa bahay ng tita ko at nabubuhay sa allowance na padala ng nanay ko. Abdul Raszhid Sattiel Maurico ang isinusulat kong pangalan noon pa man. Pangalang muslim, kasi muslim daw ang tatay ko. Pero ang apelyidong ginagamit ko ay hiram mula sa aking tito. Oo, magulo kung iisipin, kasing gulo ng pagiisip na labing-pitong taon ko ng taglay. Marahil ito ang dahilan kung bakit simula’t-sapol ay rebelde ako. Pero simula’t-sapol ay hindi ako nagtanong o naghanap ng tatay, kaya naman simula’t-sapol ay hindi rin naman ako pinakielaman. Ewan ko lang kung nakasanayan na nila pero sa tuwing inuumaga ako ng paguwi sa bahay ay tuloy lang ang buhay. Alam n'yo ‘yung parang hangin lang na dumaan? Sawang-sawa na siguro akong pagsabihan.

Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, nagsasawa rin ang katulad ko. Kaya naman nang ipatapon este dalhin ako sa Kalibo(Aklan) ng aking mga kamag-anak (na umaasa pa sigurong magbabago pa ang buhay ko) ay hindi na rin ako pumalag. Goodbye muna TBS-Gang, welcome Aklan. 


Barkada ulet ang una kong hinanap. Sakit ito ng mga nangungulilang kabataan (alam na alam ko ‘yan) na naghahanap ng karamay at kasangga sa buhay. Hindi ako binigo ng Kalibo. Isang “rap gang” ang aking nasalihan. Doon ay naranasan kong makipagtagisan ng galing sa sining ng pakikipagsumbatan sa saliw ng mga may ritmo, makahulugan at magkakatugmang salita. Kadalasang bastos at may pagmumura ang bitaw ng aming mga linya.  Ang dating basag-ulo kong mundo ay napalitan ng basag-teyngang ingay ng bulyaw, hiyawan at palakpak. Sikat ang grupo namin sa mga contest na aming sinalihan. Kumikita rin ng pera kahit papaano. At dahil kumikita ng pera, automatic na sumunod ang dati kong bisyo sa Maynila dito sa Kalibo. 




Pero hindi lang naman ang rap at pera ang natagpuan ko sa Kalibo, sa wakas, natagpuan ko rin ang pagbabago.


Ampon din tulad ko ang isa kong pinsan doon. Pero hindi gaya ko na kamag-anak ang nag-aaruga, isang magasawang muslim na walang anak ang kumukupkop sa kanya. Maaliwalas ang mukha ng magasawa, animo’y walang bahid ng problema. Kakaiba ang agad kong naramdaman sa simula pa lang na makaharap ko sila. Pakiwari ko’y nakatagpo ako ng pamilya. First time kong nakarinig ng pangaral at pagpapayo na dumiretso sa puso ko at hindi na umalis pa. Nawili tuloy akong magpabalik-balik sa bahay na ‘yun upang makikain este makipagkuwentuhan lang at siyempre, maki-experience ng pakiramdam na may pamilya. Nakilala ko ang mga Maranao at Balik-Islam bilang mga relihiyosong muslim sa lugar na iyon... Doon ko rin nakilala ang Islam at niyakap ito kinalaunan.

Pagkauhaw sa kaalaman hinggil sa pananampalataya at kaligtasan ang aking naramdaman. At hindi naman nagkait ang mga bago kong kapatid na gabayan ako at tulungan. Unti-unti kong nakilala ang mga muslim na malayo sa inaakalang kong sila. Nabago ang lahat ng mali kong pananaw sa mga muslim at paniniwala sa Diyos. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Ang inaakala kong pagpapatapon sa akin sa Kalibo ay bakasyon lang pala. Muli kong nakita ang aking sarili sa Maynila, pabalik sa dating kong buhay at pakikibaka. 


Umaalingasaw ang dating amoy ng buhay ko noon sa pagbabalik ko. Walang ipinagiba ang sangsang at dilim ng kalakaran ng buhay. Ang dating ako ay nagbalik at agarang nakalimot. Muli kong nilagok ang pait ng alak at hinalikan ang gumuguhit na usok. Pati ang bagong pahina ng ledger sa barangay at police station ay aking ni-renew. Parang eksena sa pelikula.  Welcome back Boy Kalbo!


Hindi rin lang naman bisyo ang binalikan ko, bumalik din ako sa pagaaral. (Bukod  kasi sa libre lakwatsa na, may allowance pa!) Nakakatawa kasi dapat second year college na ako, pero dahil masyadong “good boy” heto’t tinatapos ko ang second year sa high school. Buhay estudyante,  puyat sa umaga, gising sa gabi ang aking programa. Iba ang batch ng barkada sa eskwela at iba rin naman ang sa kalsada. Kapag walang pera, takbo sa barkada. At kapag may kuwarta, sagot ang barkada! 

Ang Videoke Booth sa Farmers Mall

Ang tarpaulin sa dingding ng Masjid Noor Farmers, Cubao
Paldong-paldo ako noon dahil kararating lang ng allowance at nakaipon din ng baon. Niyaya ko ang mga barkada ko na mag-videoke sa Farmers Plaza, Cubao.  Sa 4th flr. kung nasaan ang videoke booth, bumungad sa aking pandinig ang isang pamilyar na tinig – ang adhan. Parang biro ng tadhana na sa tapat ng mga videoke booth ay isang masjid ang makikita. Tulala ako habang tinatanaw ang lugar-sambahan ng mga muslim. Pero itunuloy ko pa rin ang panlilibre at siyempre ang pagkanta. Sa loob-loob ko, bukas babalikan kita!

Ang Farmers Plaza Mall kung saan matatagpuan ang Masjid Noor sa loob nito.

Mga activities sa loob ng Masjid Noor
Hindi ko sinayang ang panahon, kinabukasan matapos ang klase ay agad kong tinungo ang masjid sa loob ng mall. Kalalabas lang noon ng isang halos kasing-edad ko ring muslim mula sa loob nito. Assalamu alaikum pambungad kong pagbati. (Alhamdulillah at naaalala ko pa ang pagbating iyon kahit papaano) Tumugon ang lalaki at kinamayan ako habang nakangiti.  Si Bro. Ahmad Lebreja, isa ring balik-islam ang unang muslim na nakilala ko sa lugar na iyon. Siya rin ang nagpakilala sa akin sa ilang mga kapatid na naroon. Busy ang lahat at punong-puno ang masjid. May mga pagkain akong nakita at iniabot din sa akin. Napakaswerte ko talaga, sa dinami-dami kasi ng pagkakataon eh sa oras ng iftar pa ako nakat’yempo!  

Ikalawang-linggo noon sa buwan ng ramadhan (2013). Muli akong sumumpa (Shahada) sa ikalawang pagkakataon. Masaya ako sa muli kong pagYakap.  Nanumbalik ang dating sigla at kalingang lagi kong hinahanap-hanap. Muli akong nagkaroon ng pamilya at nakaramdam ng pagmamalasakit sa mga kapatid kong muslim. Mula noon, tuluyan na akong pumasok at nangakong hindi na lalabas pa kailanman.   


Halos lahat ay hindi naniniwala sa aking pagbabago. Pekeng muslim ang bansag sa akin sa school habang sa bahay naman ay panibago at mas malaking gulo ang inaasahan sa aking pagmumuslim. Napakahirap ng sitwasyon ko noon dahil hindi ko alam kung saan at paano magsisimula. Napakaraming bawal at dapat iwasan. Pero sa isip ko, lahat na yata ng mga mali sa buhay ay nagawa ko na, ngayon pa ba ako susuko gayong susubukan ko namang gumawa ng tama? Sabr ang naging kakampi ko at sandata.  

Hindi ako nabigo sa pamumuhunan ng pagtitiis. Unti-unti kong napatunayan ang pagiging seryoso ko sa pagbabago. Natutuwa akong ang dating si Boy Kalbo na iniiwasan sa school ay pinag-uumpukan na ngayon ng mga kaklaseng nagtatanong tungkol sa mga muslim. Hindi rin ako makapaniwala na maging ang propesor ko’y nakikipag-one on one na rin sa akin hinggil sa Islam. Malaking bagay na nakapagtrabaho ang tita ko sa Middle-East at ang nanay ko naman ay nasa Malaysia. Marahil ay alam nila ang ugali ng toong muslim kahit papaano. Gaya ng dati, pinabayaan na lang din nila ako…Hinayaang isabuhay ang katotohanan at pagbabago. 

Iisang kalsada pa rin naman ang dinaraanan ko kapag umuuwi  sa amin. Iisang mukha ng mga dati kong kabarkada ang nakakasalubong at pinasasalubungan ko na ngayon ng pangaral at payo. Nakakatuwang isipin na kung dati’y nangunguna ako sa kalokohan, ngayon ay nagpaparating na ng kaalaman at magandang balita tungkol sa kaligtasan.

Laman ng aking mga dua ang maragdagan ang aking kaalaman, gaya ng pangarap kong maging daeya rin balang araw. Hindi ko mapigilang humanga sa mga kapatid na mangangaral katulad ng napapanuod ko sa Youtube. (Pangarap ko ring makita at makadaupang-palad sila insha Allah). Nais ko ring makitang magmuslim ang aking magulang, kamag-anak, kaibigan at maging mga hindi ko kakilala. Gusto kong maituwid ang maling pananaw ng mga tao tungkol sa mga muslim. Higit sa lahat, gusto kong maglingkod sa Allah.

Nawa’y makatulong ang munting kuwentong ito ng aking pagYakap sa Islam at magsilbing paalala para sa lahat lalo na sa mga kapatid kong muslim ang napakaraming dahilan kung bakit yumaYakap sa Islam ang mga taong katulad ko. Huwag nating kakalimutang ang simpleng ngiti ay napakalaking tulong upang makaramdam ng kalinga ang isang taong nagdaraan sa napakaraming pagsubok sa buhay. Magsilbi sana tayong tulay sa mga taong naghahanap ng tamang patnubay.

Pahabain pa sana ng Allah ang buhay ko upang makatulong sa agama at sana’y tanggapin Niya ang lahat ng aking mga pagsisikap at patawarin ako sa aking mga kasalanan. Ameen In sha Allah.


Mula sa manunulat.

Si Kapatid na Abdul Raszhid Mauricio ay kasalukuyang estudyante sa Mataas na Paaralan ng Juan Sumulong. Malinis at maayos ang Masjid Noor sa Farmers Plaza, Cubao dahil sa pagsisilbi niya bilang tagapaglinis ng nasabing bahay-sambahan ng mga muslim. Ang masjid na ring ito ang bago na niyang tambayan at sangtuaryo para sa lalo pang ikalalawak ng kanyang kaalaman hinggil sa pananampalatayang Islam.

Nawa’y patatagin siya ng Allah sa pananampalataya at gabayan tungo sa tuloy-tuloy na paglilingkod sa Islam. Mabuhay ka KaYaKap na Abdul Raszhid!


Ang kuwento ng buhay at paglalakbay ng ating mga kababayan tungo sa tuwid na daan ng kaligtasan ay isang malaking kontribusyon sa pagbibigay inspirasyon. Naniniwala ang may-akda na maaari itong gamitin upang magsilbing daan din para sa iba na higit na maunawaan ang dahilan sa hindi na mapigilang pagYakap ng tao sa Islam. Kaya naman, ang KaYaKap o Kabayan Yakap ang Kapayapaan blog ay inilunsad para sa adhikain ito. Subaybayan po natin ang ilan pang mga kuwento ng buhay at paglalakbay ng ating mga kababayan dito sa KaYaKap (Insha Allah).  Ang Kapayapaan Habag at Pagpapala ng Dakilang-Lumikha may mapa-sa atin po sanang lahat. Muli, Assalamu Alaikum wa Rahmatullahi wa Barakatuh.


Linggo, Disyembre 1, 2013

Ang blog na ito ay sadyang ginawa upang isulat ang mga kuwento ng pagyakap ng ating mga kababayan sa Islam. Naniniwala ang manunulat sa kontribusyon ng paglalahad ng ibat-ibang kuwento, karanasan at paglalakbay ng ating mga kaYakap tungo sa makatotohanang pagtanggap ng tamang pananampalataya sa ikapagpapalawak ng kaalaman at pamamahayag ng kaligtasan. Mula rito'y ipinamamanhik ng manunulat ang pagunawa at pagpupuno sa anumang magiging pagkukulang, kasama na ang pasasalamat sa pagbibigay daan at pansin sa mga akdang maisusulat. Ang kapurihan ay tanging sa Allah lamang - Tagapaglikha, Tagapanustos at nagtataglay ng mga pinakamaiinam na pangalan. Tanggapin nawa Niya ang lahat ng ating mga pagsusumikap - Ameen.