Sabado, Enero 25, 2014

Ang paglalakbay ni kapatid na Omar
(The Jeffrey "Omar" Bobis Story)


“A journey of a thousand miles starts with the first step.”

Madaling araw noon ng tinahak ko ang madilim na lansangan marating lang ang kabayanan papunta sa terminal ng bus patungong Maynila.  Hindi ko alam kung saan ako pupunta at ano ang dadatnan ko doon, ang mahalaga’y makaalis ako sa amin…tumakas sa mga sama ng loob na aking kinikimkim.

Manok ang naging daan upang makabili ako ng pamasahe. Mga alaga kong mas may pakinabang pa kaysa sa inaasahang pagmamalasakit ng mga kamag-anak. “Toy, san ka?” narinig kong tanong ng kunduktor ng bus matapos kong umakyat agad ng bus at maupo. Hindi ako nakasagot sapagkat hindi ko rin alam kung saan ako pupunta. “Sinong kasama mo, ikaw lang? Nagpaalam ka ba sa magulang mo?” Sunod-sunod na tanong ng kunduktor sa akin. Sa isip ko, kapag hindi ako sumagot ay maaaring pababain ako ng bus at pauwiin sa amin. Alabang ang nakita ko sa signboard ng bus kayat Alabang din ang aking naitugon. Iniabot sa akin ang ticket at iniabot ko rin naman ang pambayad, ilang saglit pa’y ang pag-arangkada ng bus. Nakatanaw ako sa bintana ng aking sinasakyan subalit ang nakikita ko’y ang mga naging dahilan ng aking paglisan...

Si Jeffrey Bobis noong nag-aaral sa Baguio.
Katatapos ko pa lang ng high school ng yakapin ko ang Islam dahil na rin sa pagtitiyaga ng aking ate na nagtatrabaho sa Saudi na padalhan ako ng mga babasahing islamiko. Noong una’y masigasig ako sa pakikipag-debate sa kanya ng minsang umuwi siya at dawah-an ako. Iglesia ni Kristo ang aming paniniwala subalit ng makapag-asawa ng balik-islam ang kapatid ko sa Saudi, doon na nagbago ang pakikitungo namin sa isat-isa.

Bunga na rin siguro ng kakulangan sa kaalaman, ang unang engkuwentro ko sa isang muslim (aking ate) ay pakikipagtalo na akin ring naipapanalo. Mahilig rin kasi akong magbasa ng bibliya at makinig sa mga usaping pang-relihiyon. Ngunit hindi natinag ang aking kapatid na kahit nasa Saudi na ay patuloy pa ring nakikipag-usap sa pamamagitan ng mga sulat, (na may kalakip na mga kitab o babasahing islamiko) tawag sa cellphone at pagbisita sa amin tuwing bakasyon. Tandang-tanda ko pa ang mga pakiusap niya sa akin na bigyang daan ang pag-aaral sa Islam.

May 04, 2006, tuluyan ko ng nakilala at tinanggap ang Islam bilang pananampalatayang magdadala sa akin sa kaligtasan. 


Pagka-uhaw sa kaalaman at mga bagong natututunang aral-pangrelihiyon ang naging dahilan kung bakit mas minarapat kong aliwin ang aking sarili sa pagbabasa ng mga kitab habang nasa bukid matapos ipastol ang kalabaw at patukain ang mga manok. Tanging ang mga alaga kong hayop at ang tahimik na kabukiran ang kasama kong nakakaunawa sa aking nararamdaman noong mga panahong iyon. 

Mag-isa kong itinatayo ang salah sa bukid sa pamamagitan ng lukot-lukot na pamamaraan ng pagdarasal na sulat-kamay pang ibinigay ng aking kapatid. Sayang at dahil sa madalas na paggamit nito’y ang mga putik at pagkakabasa mula sa tubig-ulan ang siyang kusang sumira sa mga panalanging kinalauna’y akin na rin namang naisa-ulo. Sayang din 'yun bilang remebrance manlang sana kahit papaano.

Hindi ko rin malilimutan ang CD na gasgas na sa paulit-ulit kong panonood. “Ang Kasaysayan ng Lahi na Ating Pinagmulan” ni Utsadz Muhammad Amin Rodiriguez ang siyang lalong nagpatibay ng aking paniniwala sa Islam. Pinangarap at ipinagdarasal ko na makita sa personal ang lecturer sa CD, minsan ay ipinag-dua ko pa na sana’y buhay pa ang taong iyon at makita ko manlang sa personal at makausap. Alhamdulillah at hindi ako binigo ng Allah! 

Si Jeffrey Bobis kasama si Ustadz Muhammad Amin Rodriguez.
Lumuwas ako ng Maynila sa pagbabaka-sakaling magkaroon ng pagbabago sa aking buhay. Napadpad ako sa isang ginagawang mall. Kahit anong trabaho! (sabi ko) Trinoma Mall ang nagbigay sa akin ng pansamantalang pagkakakitaan. Sa construction ako napadpad, kahit anong ipagawa at iutos sa akin ay sinusunod ko.  Mistula akong tanga na sa tuwing walang trabaho at namamasyal sa paligid ay bumabati ng Salam sa bawat makakasalubong na muslim. Sabik na sabik akong makakita ng muslim at makipag-usap sa kanila.

Isang pagkakataon habang inutusan akong bumili ng pagkain namin sa palengke, isang muslim ang aking nakasalubong. Tinanong ko kung saan ang masjid sa lugar na iyon. Hindi naman ako nabigo at sa unang pagkakataon, nairaos ko ang pagdarasal na may mga kasamang kapatid sa aking harapan, tabi at likuran. Isang hindi maipapaliwanag na karanasan para sa isang probinsiyanong tulad ko na sa tuwina’y mag-isa lamang na naitatawid ang pagdarasal.


Kinalaunan ay umuwi rin ako sa amin. Mas masigasig gaya ng dati, proud to be a muslim ang bumabandera sa aking pagkatao. Literal ko itong ipinakita hindi lamang sa aking mga kapatid at magulang kundi maging sa aking mga kababayan. Alam n’yo ba ‘yong hitsura ng tabligh na mag-isa lamang na nag-iikot na kahit saan ay naka-uniform? Ganun! Ganun ang naging eksena sa aking pagbabalik.


Liblib ang lugar namin sa Brgy. Mabunga, bayan ng San Fransico sa pinaka-dulo ng lalawigan ng Quezon. Marahil dahil sa liblib ito, bibihira kundi man first time na makakita ang mga tao dun ng isang muslim na kagaya ng hitsura ko. Baliw, ang unang paratang sa akin ng aking mga kanayon.  Maging ang aming mga kapit-bahay ay kinumpronta pa ang aking magulang tungkol sa aking kalagayan, habang ang ilan ay nagsasabing nagkaroon ako ng amo na muslim kung kaya’t naimpluwensiyahan. Masasabi kong ang aking pagbabalik sa nayon ay pagbabalik na tanging ang mga alaga kong hayop at ang bukid lamang ang nananabik na sumalubong. 

Pinagtiisan ko ang mga bulong-bulungan, tsismis at mga maling paratang. Bagamat alam kong inuunawa ako ng aking magulang, wala rin silang imik na ako’y tulungan o ipagtanggol manlang. Ngunit hindi ako nagpadala sa mga pagsubok. Tahimik kong isinasabuhay ang Islam, sinusunod ang utos ng magulang at tumutulong sa aming tahanan.  Hanggang isang pagsubok ang hindi ko na nakayanan.

Maaga akong gumising upang mag-igib ng tubig. Pinuno ko ang lalagyan at nagpahinga saglit. Maingay sa likuran ng bahay namin ngunit hindi ko pinansin. Nilibang ko nalang ang aking sarili sa panonood sa telebisyon. Isang pasigaw na tawag sa aking pangalan ang aking narinig. Si Kuya Junior (ang paboritong anak ng aking ama) ang tumatawag. Hindi ko siya pinansin kung kaya’t galit na galit nito akong pinuntahan. Bakit walang tubig? Hindi ba’t ikaw dapat ang nag-iigib?! Nagpupuyos sa galit niyang bulyaw sa akin.

Sa wakas ay nakumpirma kong ang ingay sa likuran ng aming bahay ay dahil sa kinakatay na baboy ng aking kuya. Nakumpirma ko ring naubos ang inigib kong tubig dahil sa paghuhugas sa karne ng kinakatay na baboy.  Doon na nawala ang aking pagtitimpi at pasigaw kong sinagot ang aking kapatid. “Naubos ang pinuno kong tubig dahil sa lintek na baboy na ‘yan!!! Mabilis ang tugon ng nakatatanda kong kapatid. “Aba’t marunong ka ng sumagot ngayon!!! Sampal at suntok ang sumunod na dumapo sa aking katawan. 

Nanlilimahid sa dugo ng baboy ang kamay at katawan ng aking kapatid. Pinaghalong galit at pandidiri ang aking naramdaman ng mga oras na’yon habang sinasalag ang kanyang mga suntok at ipinagtatanggol ang sarili.  Naawat din ang aming pagbubuno sa isat-isa ngunit ang inaakala kong pagkampi ng aking magulang sa akin bilang siyang nasa tama at mas nakakabata ay napalitan pa ng karagdagang galit at mga panunumbat sa akin at sa aking panananampalataya.

Maaaring natanggal ang galit at pandidiri sa aking katawan matapos akong maligo, ngunit ang pagkasuklam sa aking magulang at kapatid ay nanatili sa aking puso. Pagkasuklam na ibinunton ko kasama na ang pamamaalam sa aking mga alagang manok. Paglalayas ang nakikita kong paraan upang tuluyan ng makaiwas sa sitawasyong aking pinagdaraanan. 


Hindi ko namalayan ang walong oras na biyahe. Parang kanina lang ay nagtititigan kami ng kunduktor, heto ngayo’t pababa na ako ng bus. Alabang ang bumungad sa aking lugar sa muli kong paglalakbay. Mula doon ay muli akong sumakay ng bus patungo sa kung saan. Naalala ko ang Trinoma at binanggit sa kunduktor na hanggat maaari ay huwag akong ilampas sa lugar na iyon. Sa wakas ay nakaramdam ako ng antok.

May kung anong p’wersa ang gumising sa akin sa kalagitnaan ng biyahe. Nasa Trinoma na pala ako! Salamat at nagising ako, dahil hindi ko alam ang mararating ng nalalabi kong trenta pesos sa bulsa. Mula sa mall na iyon ay tinungo ko ang masjid na minsan ko ng narating. Magsasarado na sana ang masjid noong ako’y dumating, mabuti na lamang at ang natitirang kapatid na naroon ay ang mismong presidente ng masjid. Naikuwento ko ang aking karanasan at naging dahilan kung bakit ako naglayas. Salamat, salamat dahil ang naramdaman kong gutom mula sa walang-almusal kong paglisan ay napawi ng hapunan at tulong na hindi inaasahan.


Matagal-tagal din bago ako natunton ng aking mga kapatid. May bahay sa Novaliches ang isa kong ate, doon muna ako tumuloy at inalok na mag-aral. Habang nag-aaral, naging bisyo ko ang pagdalaw sa ibat-ibang masjid sa Maynila. Doon ko narinig ang pag-aaral sa Baguio. Isang Islamic school ang pinangarap kong marating. Pinaghandaan ko ang pagkakataon na ma-interview sa Quiapo. Ngunit hindi ako pinalad na pumasa sa unang pagkakataon. Subalit hindi ako sumuko.

Ang Al-Maarif Educational Center sa Lungsod ng Baguio
Isang taon ang aking hinintay upang magbaka-sakali na makapag-aral sa Baguio. Muli akong nagpa-interview at hinintay ang resulta nito. Sa pagkakataong ito, hindi na ako papayag pa na mabigo kung kaya’t inalam ko ang numero ng paaralang iyon sa Baguio upang magtanong. Sekretaryo ng school ang aking nakausap sa kabilang linya at pilit na inalam ang resulta ng scholarship ko. Walang malinaw na sagot ang aking napala kung kaya’t dala na rin ng kalituhan ay nasigawan ko ang aking kausap. Hindi ko na maalala pa ang aking mga nasabi ngunit batid kong hindi iyon maganda. “Nais ko lang mag-aral ng Islam bakit hindi ako mapagbigyan?” – ang punto ng aking pakiusap at paninigaw!

Wala akong sinayang na panahon kung kayat matapos na makaipon ng pamasahe ay pinuntahan ko ang Baguio upang doon ay personal na alamin ang resulta o makausap manlang ang kahit sino doon at upang magmakaawa na rin na ako ay tanggapin upang makapag-aral.

Mabilis kong narating ang institusyong aking hinahanap. Malamig ang panahon, tila nagbabadya ng malamig ring pagtanggap. Malugod naman akong pinatuloy sa opisina at tinanong ang aking pangalan upang hanapin sa listahan. 


Jeffrey “Omar” Bobis, pangalang tila kilalang-kilala ng aking napagtanungan. “Hindi ba’t ikaw ‘yung tumawag sa telepono at pinagsisigawan ako?” Pakiramdam ko’y nagbago ang temperatura sa paligid. Pinagpawisan ako sa gulat at pagkahiya. Walang patid ang paghingi ko ng tawad.“Pasensiya na po, nais ko lang po talagang makapag-aral dito.” Ngiti at pag-unawa ang itinugon sa akin ng aking kausap. Doon ay isinalaysay ko ang aking mga pinagdaanan at muling nakiusap na ako ay pagbigyan.

Ngunit tanging ang Direktor lamang daw ng eskwelahan ang makakatulong sa akin. Dahil na rin sa awa, sinabihan akong bumalik na lamang sa susunod na taon at tiniyak na tutulungang makapasok doon. Bumalik ako sa Maynila at ipinagpatuloy ang aking pag-aaral at pakikisalamuha sa mga kapatid. Minsan ay nakikitulog ako sa Masjid upang maramdaman ang kagalakan sa pagdarasal na sama-sama. Kasama ng mga kapatid na itinuring kong mga kasangga.

Ang Manila Golden Mosque sa Quaipo Maynila
 Mabilis na lumipas ang panahon at muli kong tinungo ang Baguio upang malaman ang resulta ng aking application. Hindi na ako nahirapan pang hanapin sapagkat nauuna sa listahan ng mga natanggap ang aking pangalan. Agad kong tinawagan ang aking ina at sinabing huwag mag-alala sa akin sapagkat ako ay scholar na! 

Tatlong buwan din ang lumipas ng ako ay mapilitang tumawag sa aking ina na kung pwede ay magpadala ng allowance. Bagamat libre ang pagaaral at pagkain, hindi sapat ang mga pangangailangan ko para maitawid ang araw-araw na pag-aaral. Nakakatuwa ngunit ilang buwan ko ring tiniis ang maghintay pagkatapos kumain upang bumalik sa kusina at manghingi ng tira-tirang kanin at ulam. Sa tulong at gabay ng Allah ay maluwalhati kong napagtagumpayan at natapos ang aking pagaaral. Alhamdulillah!


Maliwanag sa akin ang kahalagahan ng dawah o paganyaya sa Islam, subalit papaano ko aanyayahan ang iba sa kaligtasan at katotohanan gayong ang aking mga mahal sa buhay ay hindi ko pa kasama? Para sa isang saradong katoliko, mahirap para sa aking ina na paniwalaan na babalik si Kristo na wawasakin ang krus, papatayin ang baboy at makakapag-asawa. Kalokohan umano!

Pinagsumikapan ng aking ate na makarating sa Saudi ang aming ina upang doon ay masaksihan niya ang buhay-muslim at ang aral ng Islam. Hindi kami nabigo at kinalaunan ay tinanggap nga niya ang Islam. Allahuakbar!   

Si Omar Bobis at ang kanya ina.
Umuwi ako sa amin na may mas malakas na paninindigan at pananalig sa Allah. Doon ay sinimulan kong ipaliwanag ang Islam. Nakakagulat ang naging pagyakap ng ilan sa aking mga kamag-anak. Pami-pamilya, magkakapatid, magpipinsan. Subhanallah! Pero ang pinakamainam sa lahat, tuluyan na ring bumigay ang aking mga kapatid, si papa na lang ang kulang. Insha Allah!

Ang magkakapatid na Bobis.
Isang hamon ang noon ay aking sinuong. Ang bahay-sambahan para sa kanila…


Sa simula ay kalokohan umano para sa aking mga kapatid na magtayo ng masjid sa lugar namin. Bakit nga naman magtatayo ng masjid sa isang liblib na lugar na isang pamilya lang kami na muslim. Inshaa Allah ang sabi ko, pasasaan ba’t magmumuslim rin ang mga taga-rito. Insha Allah.

Sa tulong ng ilang mga kapatid, ang Masjid  Mabunga ay nakatayo na at patuloy na inaayos at pinapaganda.

Ang malapit ng matapos na Masjid Mabunga.
Ilang dawah-symposium din ang isinagawa sa bayan namin sa tulong ng ISCAG, Quezon Islamic Dawah and Guidance Center at ilang mga grupo ng muslim. Alhamdulillah at patuloy na nadaragdagan ang mga muslim sa amin. Ngunit ang pinakamalaking regalo para sa akin ay ang pagyakap ng aking ama sa Islam. Allahuakbar! Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Sa tulong ni Sheikh Omar Penalber ay tuluyan ng nakumpleto ang aking pamilya sa pagpasok sa Islam. Naalala ko tulo’y na nai-post ko sa facebook  ang mga salitang ito:

"Ilang taon ako naghintay,
ilang buwan kong inisip,
ilang linggo ko pinangarap,
ilang araw ako nag babakasakali,
at llang beses ako nagdua at lumuha sa Allah na patnubayan ang aking Ama sa ISLAM , sa wakas si papa niyakap na ang Islam, Subhanallah!, di ko alam kung panu pasasalamatan ang Allah, napakabait ng Allah sa buong pamilya ko, Allahu akbar! Biyayaan nawa ng Allah si Sheikh Omar Penalber sa pagsisikap na ginawa nya para sa Islam at ang lahat ng daiyyah sa buong mundo"

Si Sheikh Omar Penalber habang dinadawah-an ang ama ni Jeffrey.
Ano pa ba ang mahihiling ko sa Allah sa mga sunod-sunod na biyayang ipinagkaloob niya sa akin, sa aking pamilya at sa aking bayan. Sinong mag-aakala na ang dating nakatiwangwang na lupa at taniman ng mais ay magiging Masjid? Sinong mag-aakala na sa isang liblib na barangay sa Quezon ay mayroong Islamic community? Dakila ka oh Allah. Allahuakbar!

Si Jeffrey kasama ang mga unang yumakap sa Islam sa kanilang lugar.
Masaya akong pinagmamasdan ang mga pagbabago ng aking bayan.  Maligaya rin akong ang mismong Mayor sa bayan namin ay pinagbilinan ang barangay chairman na alagaan ang mga muslim sa aming lugar. Allahuakbar! Sana’y matupad ang aking mga dua, na maging maunlad sa kaalaman, kabuhayan at kapayapaan ang Islamic Community sa barangay Mabunga. Insha Allah.  Patatagin nawa ng Allah ang pananampalataya ng aking pamilya, mga kapatid, at kababayan sa Baranggay Mabunga at sa buong Mundo. Allahumma ameen!

Ilan sa mga larawan ng mga dawah activities sa Baranggay Mabunga.
Bagamat kailangan kong lumisan, naniniwala akong matibay ang itinanim kong ala-ala sa aking bayan. Ala-alang babaunin ko sa aking patuloy na paglalakbay… Ako si Jeffrey “Omar” Bobis, Forever Proud to be a Muslim!



Mula sa manunulat:

Si Ustadz Omar Bobis ay maglalakbay patungong Madinah upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Islam. Katulad ng palaging niyang sinasambit na dua, nawa’y panatilihin siyang mapagpakumbaba ng Allah sa mga makakamit pa niyang biyaya bunga ng kanyang walang humpay na sakripisyo at paghahanap ng kaalaman. Personal naming narating ang sinimulan niyang Islamic community sa San Francisco, Quezon at ang ipinapatayo niyang Masjid sa lugar na iyon. MashaAllah at tunay nga namang kahanga-hanga ang komunidad na nasa paglilingkod kay Allah.  Mabuhay ka KaYaKap na Omar! Hanggang sa iyong pagbabalik mula sa walang katapusan at kapaguran mong paglalakbay. Maghihintay kami sa iyong pagdating, Inshaa Allah.





1 komento: