Hindi ito kuwento ng pagYakap manapa’y kuwento ng mga nagsisikap.
Hindi na mabilang ang mga
kababayan nating naliwanagan, nabuksan ang puso at isipan, nagsuri, nakarinig
at nakatagpo ng katotohanan. Sa pamamagitan ng mga walang patid na pagsisikap
ng mga muslim sa larangan ng dawah, walang tigil din ang pagdami ng mga
yumaYakap o nagbabalik-Islam.
Ang simbulong ito ay ginagamit bilang pagsaksi sa Kaisahan ng Allah. |
Ang dawah sa Rizal Park o
mas kilala bilang Luneta ay masasabing isa lamang sa napakaraming pamamaraan ng
mga Pilipinong Muslim na maipamahayag ang Islam sa ating mga kababayan. Kumpara
sa ibat-ibang istilo ng pamamahayag o pagaanyaya, ang dawah sa Luneta ay
maituturing na institusyon at bahagi na ng tradisyong dekada nang
isinasagawa ng mga muslim dito.
Ang Luneta, bilang
Pambansang Pasyalan (National Park) ay dinarayo ng maraming tao. Turista, probinsiyano o taal na Manilenyo, ang pook na ito ay hindi nawawala sa listahan
ng mga nais magliwaliw sa lungsod. Marahil ay tugma sa kasabihang “hindi mo
narating ang Maynila kung hindi mo nakita ang Luneta”.
Ang bantayog ni Gat Jose Rizal - ang pangunahing atraksiyon sa Luneta. |
Sa saglit na
pagbabalik-tanaw at pagpapakilala sa lugar na ito, ang Luneta ay itinanghal at
itinuring na pangunahing pasyalan noon pa man. Itinayo noong 1700’s, kilala bilang
Bagumbayan na kinalaunan ay tinawag na Luneta mula sa salitang “lunette” o
half-moon na siyang hugis ng nasasakupan nito. Sa kasalukuyan, opisyal itong tinatawag na Liwasang Rizal.
Dahil na rin sa pagiging
pasyalan o pamosong pinagtitipunan ng mga tao, dito na rin isinasagawa ang
ilang mahahalagang aktibidad ng pamahalaan. Sa lugar na ito binitay
ang napakaraming Pilipino noong panahon ng kastila kasama na ang mga kilalang
personalidad sa kasaysayan gaya nina Dr. Jose Rizal at ang tatlong
paring-martir na kilala sa katawagang GOMBURZA. Sa lugar din na ito ideneklara
ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Amerikano.
Bago pa man gamitin ang
EDSA bilang pook ng pagsisiwalat ng mga hinaing sa pamahalaan, ang Luneta
mula noon hangang ngayon ay piping-saksi sa napakaraming kuwento ng pagbabago
at ipinagbago ng mga Pilipino.
Ngunit hindi pa tapos ang
laban, may digmaang linggo-linggong nagaganap sa Bagumbayan.
Ang umpukan ng mga debatista sa Luneta. |
Kung ang hanap mo ay
libangan, pamamahinga, pagkain at kaalaman (isama na rin ang paghahanap ng katotohanan) kumpleto ang Luneta.
Sa isang sulok ng malawak
na pook-pasyalang ito, isang grupo ng mga muslim ang matiyagang nag-aanyaya sa
mga tao na pakinggan ang katuruan ng pananampalatayang Islam. Masasabing ang mga
pinakamagagaling at beteranong mga debatistang muslim katulad nina Ustadz Ahmad Barcelon,
Sheik Rashid Indasan at maraming iba pa ay hinubog at nahinog sa lugar na ito.
Sina Ustadz Ahmad Barcelon at Sheik Rashid Marneld Indasan. |
Magmula sa mga
samut-saring tanong, (may pagka-pilosopo man o may halong kabastusan) ang
simpleng umpukan sa gitna ng mataong lansangan ng pook-pasyalang ito ay maibibilang
na karagdagang atraksiyon na ligguhan kung hindi man regular na makikita sa
Luneta.
Katulad ng mga dinarayong
tanawin sa lugar na ito, ang debate sa Luneta ay may sarili ring mga parokyano.
Mula sa mga indibidwal na may kani-kaniyang pananampalataya o paniniwala, ang
mga debateng walang pormal na panuntunan o sinusunod na regulasyon ay isang
hamon na laan lamang para sa mga bihasa at matitibay ang loob, hindi pikon at
manhid sa mga bulyaw at kantiyaw ng mga manoood na ang ilan ay napadaan lamang
o regular nang tagasubaysay ng mga maaaksyong tunggalian ng argumento’t
opinyon.
Ang debate sa Luneta. |
Tunay na masikap ang mga
Pilipino at kabilang sa katangiang ito ay ang hanapan ng pakinabang at gawing
oportunidad ang isang pagkakataon. Para sa iba, ang pagdagsa ng maraming tao ay
pagkakataon upang kumita. Ngunit para sa mga kapatid nating muslim sa Luneta,
ang pagdagsa ng tao ay oportunidad din upang makinabang at kumita – sa kabilang
buhay.
Ang umpukan ng maraming tao sa Luneta. |
Agaw atraksiyon kaaagad
ang mga maliliit na libro na katulad ng isang paninda ay iniaalok din ng mga
kapatid sa mga dumaraan. Isang pagkakataon na kahit sa munting aklat na
ipinamimigay lamang ay maiparating ang Islam.
May mga tumatanggi, kusa
ng dumadampot, simpleng tinatanggap lamang ang iniaabot na babasahin at mayroon
din namang interesado at nagtatanong pa. Asahang naguunahan pa ang mga kapatid
na paunlakan at sagutin ang mga katanungan sa sinumang may nais malaman.
Katulad ng mga uhaw sa kaalaman kung kaya’t nagtatanong, pawang mga ngiti ng
mga kapatid ang agad na bubungad bago pa man sumagot bilang paghahangad din
naman nilang makatanggap ng biyaya mula sa mga pagsusumikap na makapagbahagi ng
kanilang kaalaman.
Mga babasahing Islamiko na libreng ipinamimigay sa mga nagdaraan. |
Bawat isa’y may pananabik
na naghihintay sa ilang mga kapatid na bagamat walang usapan ay dumarating.
Kapagdaka’y sama-samang maguumpukan na animo’y nagpi-picnic sa parke ang
magkahiwalay na grupo ng babae at lalaking muslim upang pagsaluhan ang
baon-baon nilang pansit at tinapay. Parang iftar lang ang eksena! Masaya ang
bawat isa, animo’y walang problema. Mistulang nahimasmasan sa maghapong
pagtitiis at kapagdaka’y pagsasaluhan ang inaabangang biyaya.
Matapos mabusog, dito na
magsisimula ang programa. Mayroong maliit na speaker at mikroponong nakadikit
sa bibig ang magsasalita. Tawheed, Limang Haligi ng Islam, Sino si Allah, Sino
ang mga Muslim, Ano ang Qur’an. Mga tema o topic na kadalasang maririnig bilang
pambungad na pananalita’t pag-aanyaya ng mga kapatid sa mga nagdaraan o
namamasyal lamang.
Ang isang kapatid na muslim habang binabasa ang talata mula sa Banal na Qur'an. |
Si kapatid na Muhammad Bashier habang pinapalibutan ng mga nakikinig. |
Nakapalibot ang mga nanunuod kasama na ang mga muslim na nakikinig rin bilang pagdadagdag kaalaman
habang nasa gitna nito ang napiling magsalita sa oras na iyon. Makikita rin ang
isang kapatid na may hawak-hawak na cellphone habang kinukunan ng video ang
nagsasalita para naman sa mga nais mapanuod ito sa internet.
Hindi maiiwasang mayroong
magtatanong o “tatanong.” (tatanong -
ay salitang nangangahulugan na ang nagtatanong ay walang balak alamin ang
kasagutan manapa’y nais lamang makipagtalo at ipaglaban ang kanyang sariling
opinyon) Ito ang simula ang debate.
Larawang-kuha mula sa Luneta habang isinasagawa ang impormal na debate. |
Eksena sa Luneta sa kalagitnaan ng tanungan at pagsagot. |
Si kapatid na Muhammad
Bashier Sacaguing ay ang pangulo ng mga debatistang muslim sa Luneta. Siya ang
pangunahing pambato sa larangan ng pakikipagtuligsaan sa mga argumentong may
kinalaman sa pananampalataya. May kalibre na katulad ng mga debatistang nabanggit
sa unang bahagi ng artikulo, ang bawat buklat niya ng Bibliya o Qur’an ay
mistulang pinagtagni-tagning kasagutan na walang lulusutan sinuman ang
kumalaban. Nakatutuwang sa bawat banat
ng kalaban ay may katumbas siyang binubuklat at babasahing talata bilang
kasagutan. Sa bawat hamon ay may katumbas ring paglilinaw at kontra-paghahamon.
Hindi lulusot ang pilosopo
at bastos dahil ang mga nakapalibot na manonood ay nakaantabay rin upang
sumigaw at mangantiyaw. Pumapailanlang din ang takbir o pagsigaw ng Allahuakbar
ng mga kapatid sa bawat sablay, pag-iwas o pagpapalusot at pagkakamali ng
kalaban. Mistulang sanay na sanay na ang mga umiikot na pulis at security guard
ng parke sa mga eksenang katulad nito at hinahayaan lamang na magkatuwaan ang
lahat. Magkatuwaan dahil tunay nga namang masayang panoorin ang tila live na
eksena ng pinagsamang anyo ng sina-unang balagtasan at makabagong fliptop sa
lansangan.
Walang entablado,
spontaneous ang banatan ng pagtatanong at pagsagot. May nagkakampihan at
kinalaunan ay magaaway sa parehong paniniwalang kani-kanina lamang ay
pinagkasunduan. May sisingit na lasing, may magpapakilalang sinapian ng
panginoon at may mga magagaling lumusot sa argumento ngunit handang-handang
kampihan ang sinumang mag-aabot ng kaunting barya pambili ng samalamig o kape sa
tabi-tabi.
Si Kapatid na Muhammad Bashier habang pinakikitaan ng talata ng isang kristiyano. |
Sa paglalagom, masasabing
hindi pagaaksaya ng panahon ang pagpunta doon.
Hindi pagaaksaya ng oras
ang panonood ng debate sa Luneta.
Dahil pareho mong makikita ang tradisyon ng mga ninuno natin na parang kahapon lamang ay nandoon din at nakikipagtalo sa kani-kanilang sariling opinyon, gayun din ang mala-pelikulang bitaw ng dialogue na maaaring first time mo din lamang maririnig.
Dahil pareho mong makikita ang tradisyon ng mga ninuno natin na parang kahapon lamang ay nandoon din at nakikipagtalo sa kani-kanilang sariling opinyon, gayun din ang mala-pelikulang bitaw ng dialogue na maaaring first time mo din lamang maririnig.
Hindi pagaaksya ng oras
ang panonood ng debate sa Luneta.
Dahil
kung ang hanap mo ay mga tanong na sabihin na nating may pagka-pilosopo at
bastos subalit may sense din naman kahit papaano. Mga katanungan at kasagutang
first time mo rin lang maririnig sa buhay mo.
Hindi pagaaksaya ng oras
ang pakikinig at panonood ng debate sa Luneta.
Lalo na’t usaping
pangkaligtasan ang pinaguusapan. May mga paliwanag na makatotohanan at basehan
kang matututunan.
Hindi pagaaksaya ng oras
ang pagpunta mo sa Luneta.
Maliban sa pamamasyal at
pagtanaw sa magandang tanawin ay personal mong makikita ang pagsisikap ng mga
kapatid mong naghahangad ng biyaya mula sa pamamaraang hindi mo kailanman
nasusubukan pa.
At lalong hindi pagaaksaya
ng oras ang pagpunta mo sa Luneta.
Upang saksihan ang
pagYakap ng mga kababayan mong naliwanagan at natagpuan ang katotohanan sa
Islam.
Ilan sa mga larawan ng mga aktual na pagYakap ng mga kababayan natin sa Islam. |
Nagkataon lang marahil
ngunit ang koneksiyon ng dawah sa Luneta at sa pagka-Pilipino ay tutugma sa
buhay ng bayaning si Rizal na minsan ring tumuligsa sa maling relihiyon at
paniniwala nating mga Pilipino. Ang mga depekto at bulag na pagsunod ay minsan
na niyang naibulas:
“At kayong mga kabataan! Nananaginip pa rin kayo!
…Gusto n’yong maging mga Kastila din kayo, pero hindi n’yo
nakikitang ang pinapatay n’yo ay ang inyong pagkabansa! Ano ang inyong magiging
kinabukasan? Isang bansang walang pagkatao at kalayaan? Lahat sa inyo ay hiram,
pati na ang inyong mga depekto. Mamamatay kayo bago pa man dumating ang inyong
kamatayan.”
Malaon nang namatay ang
pagkabansa ng mga Pilipino base na rin sa panunumbat ni Rizal. Katulad ng mga
paniniwalang dati’y pinanghahawakan at isinasabuhay ng ating mga ninuno. Sa
katotohanan, kasama ng pananakop ay ang maling katuruang halaw mula sa mga
pagano ang ipinakilala ng mga ito. May dahilan kung bakit nararapat ituwid ang
mga binaluktot na paniniwala at magbalik-Islam ang mga Pilipino...Pagbabalik sa
paniniwalang taglay ng ating lahi na inagaw mula sa ating mga ninuno at magpasa-hanggang ngayon.
Kung makapagsasalita
lamang si Rizal mula sa bantayog na kanyang kinatatayuan, marahil, hahanapin
niya ang mga Pilipinong kanyang ipinaglaban mula sa mga taong abala sa
pagpindot ng cellphone at tablet sa pakikipag-facebook at chat ng walang
kapararakan! Habang ibinabaling niya ang paningin sa mga muslim na inuumaga sa
pagdadawah sa kalsada, nilalamok sa Luneta, sinasalag at ipinagtatanggol ang
mga maling paratang sa mga muslim na bagamat may mga personal rin na suliranin at pangangailangan
ay nakukuha pang mamasahe (ang iba’y naglalakad lamang) makarating lang sa
Luneta.
Ngunit nasaan ang mga
kapatid? Nasaan ang mga katuwang sa pagpapalaganap ng kaisahan ng Diyos at
kaligtasan? Marahil ay kasama ng kanilang pinagkaka-abalahan at libangan.
Nangangatwiran na ang Luneta ay para sa mga walang magawa sa buhay at
pagliliwaliw lamang, gayong ‘di hamak na mas walang pakinabang ang kanilang
pinagkaka-abalahan.
Kung makapagsasalita
lamang si Rizal, malamang ay hihiramin niya ang sigaw ni Bonifacio, “Sugod mga kapatid!” sa halip na yaong
binanggit niya bago siya tamaan ng bala sa katawan “consummatum est” (it is done)…Dahil hindi pa tapos ang laban! May
laban pa sa Luneta!
Digmaan sa pagitan ng mali
at katotohanan.
Ang mga kapatid na aktibong nagda-dawah sa Luneta. |
Nawa’y makatulong ang
artikulong ito na magising ang mga kapatiran upang minsan isang pagkakataon ay
mapadpad at dalawin naman kahit papaano ang mga nagdadawa(h)ng mga kapatid sa Luneta.
Hindi upang makipagtalo, hindi upang
makinuod lamang, hindi upang makipagpuyatan o magpakagat sa lamok. Manapa’y
upang makita ang ibat-ibang pamamaraan at dahilan meron ang mga muslim na isagawa ang pagsamba at paglilingkod sa Dakilang Lumikha.
Dahil sa katotohanan,
hindi si Rizal o kung sinuman ang dahilan kung bakit kailangan nating magdawah
sa matataong lugar gaya ng lansangan o sa Luneta. Marahil ay para sa
ikaliligtas ng iba ang ating pagsusumikap na magdawah. Ngunit higit sa lahat,
ito ay para sa ating sarili. Dahil hindi si Rizal o maging ang mga taong
nagdaraan ang siyang nakatanaw at magbibigay ng gantimpala sa mga
sakripisyo’t pakikipagpunyaging ito.
Maaari ngang hindi lamang
sa Luneta matatamo ang pagpapala at biyaya, ngunit sa paghahambing o
pagtatanto, may dawah sa Luneta, nasaan ka?
Sayang ang mga koleksiyon
mo ng kitab na kung hindi man patong-patong ay lukot-lukot na sa pinagtataguan.
Bakit hindi mo ilatag yan sa Luneta?!
Sayang ang
pakikipaghuntahan at pakikipagkape-han sa mall o kung saan man na wala namang
pakinabang. Bakit hindi mo saluhan ang mga kapatid mo sa Luneta?! (magbitbit ka na rin ng pagkain kung may sobra sa ibabaw ng iyong lamesa)
Sayang ang pagpupuyat sa
anumang walang-saysay na pinagkaka-abalahan. Bakit hindi ka pumunta at sumama sa
dawah sa Luneta?!
Tuwing linggo, tuloy ang
laban sa Luneta. Kapatid, punta-punta rin pag may time!
Sayang
kasi ang oras kung walang pakinabang lamang ito na lilipas.
Mula sa manunulat:
Ipinagdiriwang ng mga kababayan nating Kristiyano ang kapaskuhan nang dalawin namin ang Luneta. Buo ang grupo ng PMA o Philippine Muslim Apologetics at Maharlikan Upliftment Dawah Apologetics for Peace para samantalahin ang pagdagsa ng maraming tao. Sapagkat para sa mga kapatid nating muslim sa Luneta, kasabay ng umpukan ng mga tao para sa noche buena, ay ang umpukan din at pagsasalo-salo sa biyaya ng katotohanan na pwedeng matamasa.
Pagpalain nawa ng Allah (swt) ang mga kapatid sa kanilang pagsusumikap na anyayahan ang tao sa Islam. Hanggang sa susunod na pagdalaw namin sa Luneta, sana'y muli tayong magkita-kita. Maraming salamat at mabuhay kayo mga KaYaKap!
Karagdagan:
Isang malaking debate ang inihahanda ng grupo sa darating na ika-19 ng Enero 2014 sa ganap na ika- 4 ng hapon hanggang gabi sa mas malaking venue sa nasabing lugar, sa pagitan ng Islam at Seventh Day Adventist Church. Ang lahat ay inaanyayahang dumalo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento