Ako si Boy Kalbo at
ito ang aking Kuwento...
Kilala ako sa buong Proj. 4 Katipunan sa Lungsod ng Quezon
bilang lakwatsero, basagulero, babaero, lasenggero, at lahat na ng mga masamang
katangian na may hulaping “ero” – Ako si
Boy Kalbo, kilalang-kilala sa katarantaduhan at masamang bisyo. (Silipin n’yo
pa ang records ko sa barangay at pulisya upang mapatunayan n’yo.)
OFW ang nanay ko sa Malaysia at ang tatay ko naman ay hindi
ko pa kailanman nakita. Nakikitira ako sa bahay ng tita ko at nabubuhay sa
allowance na padala ng nanay ko. Abdul
Raszhid Sattiel Maurico ang isinusulat kong pangalan noon pa man. Pangalang
muslim, kasi muslim daw ang tatay ko. Pero ang apelyidong ginagamit ko ay hiram mula sa aking
tito. Oo, magulo kung iisipin, kasing gulo ng pagiisip na labing-pitong taon ko
ng taglay. Marahil ito ang dahilan kung bakit simula’t-sapol ay rebelde ako. Pero
simula’t-sapol ay hindi ako nagtanong o naghanap ng tatay, kaya naman
simula’t-sapol ay hindi rin naman ako pinakielaman. Ewan ko lang kung
nakasanayan na nila pero sa tuwing inuumaga ako ng paguwi sa bahay ay tuloy
lang ang buhay. Alam n'yo ‘yung parang hangin lang na dumaan? Sawang-sawa na
siguro akong pagsabihan.
Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, nagsasawa rin ang katulad
ko. Kaya naman nang ipatapon este dalhin ako sa Kalibo(Aklan) ng aking mga
kamag-anak (na umaasa pa sigurong magbabago pa ang buhay ko) ay hindi na rin
ako pumalag. Goodbye muna TBS-Gang, welcome Aklan.
Barkada ulet ang una kong hinanap. Sakit ito ng mga
nangungulilang kabataan (alam na alam ko ‘yan) na naghahanap ng karamay at
kasangga sa buhay. Hindi ako binigo ng Kalibo. Isang “rap gang” ang aking
nasalihan. Doon ay naranasan kong makipagtagisan ng galing sa sining ng
pakikipagsumbatan sa saliw ng mga may ritmo, makahulugan at magkakatugmang
salita. Kadalasang bastos at may pagmumura ang bitaw ng aming mga linya. Ang dating basag-ulo kong mundo ay napalitan
ng basag-teyngang ingay ng bulyaw, hiyawan at palakpak. Sikat ang grupo namin
sa mga contest na aming sinalihan. Kumikita rin ng pera kahit papaano. At dahil
kumikita ng pera, automatic na sumunod ang dati kong bisyo sa Maynila dito sa
Kalibo.
Pero hindi lang naman ang rap at pera ang natagpuan ko sa
Kalibo, sa wakas, natagpuan ko rin ang pagbabago.
Ampon din tulad ko ang isa kong pinsan doon. Pero hindi gaya
ko na kamag-anak ang nag-aaruga, isang magasawang muslim na walang anak ang
kumukupkop sa kanya. Maaliwalas ang mukha ng magasawa, animo’y walang bahid ng
problema. Kakaiba ang agad kong naramdaman sa simula pa lang na makaharap ko
sila. Pakiwari ko’y nakatagpo ako ng pamilya. First time kong nakarinig ng
pangaral at pagpapayo na dumiretso sa puso ko at hindi na umalis pa. Nawili
tuloy akong magpabalik-balik sa bahay na ‘yun upang makikain este
makipagkuwentuhan lang at siyempre, maki-experience ng pakiramdam na may
pamilya. Nakilala ko ang mga Maranao at Balik-Islam bilang mga relihiyosong
muslim sa lugar na iyon... Doon ko rin nakilala ang Islam at niyakap ito kinalaunan.
Pagkauhaw sa kaalaman hinggil sa pananampalataya at
kaligtasan ang aking naramdaman. At hindi naman nagkait ang mga bago kong
kapatid na gabayan ako at tulungan. Unti-unti kong nakilala ang mga muslim na
malayo sa inaakalang kong sila. Nabago ang lahat ng mali kong pananaw sa mga
muslim at paniniwala sa Diyos. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Ang
inaakala kong pagpapatapon sa akin sa Kalibo ay bakasyon lang pala. Muli kong
nakita ang aking sarili sa Maynila, pabalik sa dating kong buhay at pakikibaka.
Umaalingasaw ang dating amoy ng buhay ko noon sa pagbabalik
ko. Walang ipinagiba ang sangsang at dilim ng kalakaran ng buhay. Ang dating
ako ay nagbalik at agarang nakalimot. Muli kong nilagok ang pait ng alak at
hinalikan ang gumuguhit na usok. Pati ang bagong pahina ng ledger sa barangay
at police station ay aking ni-renew. Parang eksena sa pelikula. Welcome back Boy Kalbo!
Hindi rin lang naman bisyo ang binalikan ko, bumalik din ako
sa pagaaral. (Bukod kasi sa libre
lakwatsa na, may allowance pa!) Nakakatawa kasi dapat second year college na
ako, pero dahil masyadong “good boy” heto’t tinatapos ko ang second year sa
high school. Buhay estudyante, puyat sa
umaga, gising sa gabi ang aking programa. Iba ang batch ng barkada sa eskwela
at iba rin naman ang sa kalsada. Kapag walang pera, takbo sa barkada. At kapag
may kuwarta, sagot ang barkada!
Ang Videoke Booth sa Farmers Mall
Ang tarpaulin sa dingding ng Masjid Noor Farmers, Cubao
|
Paldong-paldo ako noon dahil kararating lang ng allowance at
nakaipon din ng baon. Niyaya ko ang mga barkada ko na mag-videoke sa Farmers
Plaza, Cubao. Sa 4th flr. kung
nasaan ang videoke booth, bumungad sa aking pandinig ang isang pamilyar na tinig –
ang adhan. Parang biro ng tadhana na sa tapat ng mga videoke booth ay isang
masjid ang makikita. Tulala ako habang tinatanaw ang lugar-sambahan ng mga
muslim. Pero itunuloy ko pa rin ang panlilibre at siyempre ang pagkanta. Sa
loob-loob ko, bukas babalikan kita!
Ang Farmers Plaza Mall kung saan matatagpuan ang Masjid Noor sa loob nito. Mga activities sa loob ng Masjid Noor |
Hindi ko sinayang ang panahon, kinabukasan matapos ang klase
ay agad kong tinungo ang masjid sa loob ng mall. Kalalabas lang noon ng isang
halos kasing-edad ko ring muslim mula sa loob nito. Assalamu alaikum pambungad kong pagbati. (Alhamdulillah at naaalala
ko pa ang pagbating iyon kahit papaano) Tumugon ang lalaki at kinamayan ako
habang nakangiti. Si Bro. Ahmad Lebreja,
isa ring balik-islam ang unang muslim na nakilala ko sa lugar na iyon. Siya rin
ang nagpakilala sa akin sa ilang mga kapatid na naroon. Busy ang lahat at
punong-puno ang masjid. May mga pagkain akong nakita at iniabot din sa akin. Napakaswerte
ko talaga, sa dinami-dami kasi ng pagkakataon eh sa oras ng iftar pa ako
nakat’yempo!
Ikalawang-linggo noon sa
buwan ng ramadhan (2013). Muli akong sumumpa (Shahada) sa ikalawang pagkakataon. Masaya ako sa muli kong pagYakap. Nanumbalik ang dating sigla at kalingang lagi
kong hinahanap-hanap. Muli akong nagkaroon ng pamilya at nakaramdam ng pagmamalasakit sa mga kapatid kong
muslim. Mula noon, tuluyan na akong pumasok at nangakong hindi na lalabas pa
kailanman.
Halos lahat ay hindi naniniwala sa aking pagbabago. Pekeng
muslim ang bansag sa akin sa school habang sa bahay naman ay panibago at mas
malaking gulo ang inaasahan sa aking pagmumuslim. Napakahirap ng sitwasyon ko
noon dahil hindi ko alam kung saan at paano magsisimula. Napakaraming bawal at
dapat iwasan. Pero sa isip ko, lahat na yata ng mga mali sa buhay ay nagawa ko
na, ngayon pa ba ako susuko gayong susubukan ko namang gumawa ng tama? Sabr ang naging
kakampi ko at sandata.
Hindi ako nabigo sa pamumuhunan ng pagtitiis. Unti-unti kong
napatunayan ang pagiging seryoso ko sa pagbabago. Natutuwa akong ang dating si
Boy Kalbo na iniiwasan sa school ay pinag-uumpukan na ngayon ng mga kaklaseng
nagtatanong tungkol sa mga muslim. Hindi rin ako makapaniwala na maging ang propesor
ko’y nakikipag-one on one na rin sa akin hinggil sa Islam. Malaking bagay na
nakapagtrabaho ang tita ko sa Middle-East at ang nanay ko naman ay nasa
Malaysia. Marahil ay alam nila ang ugali ng toong muslim kahit papaano. Gaya ng
dati, pinabayaan na lang din nila ako…Hinayaang isabuhay ang katotohanan at
pagbabago.
Iisang kalsada pa rin naman ang dinaraanan ko kapag umuuwi sa amin. Iisang mukha ng mga dati kong
kabarkada ang nakakasalubong at pinasasalubungan ko na ngayon ng pangaral at payo.
Nakakatuwang isipin na kung dati’y nangunguna ako sa kalokohan, ngayon ay nagpaparating na ng kaalaman at magandang balita tungkol sa kaligtasan.
Laman ng aking mga dua ang maragdagan ang aking kaalaman, gaya ng pangarap kong maging daeya rin balang araw. Hindi ko mapigilang humanga
sa mga kapatid na mangangaral katulad ng napapanuod ko sa Youtube. (Pangarap ko
ring makita at makadaupang-palad sila insha Allah). Nais ko ring makitang
magmuslim ang aking magulang, kamag-anak, kaibigan at maging mga hindi ko
kakilala. Gusto kong maituwid ang maling pananaw ng mga tao tungkol sa mga
muslim. Higit sa lahat, gusto kong maglingkod sa Allah.
Nawa’y makatulong ang munting kuwentong ito ng aking
pagYakap sa Islam at magsilbing paalala para sa lahat lalo na sa mga kapatid
kong muslim ang napakaraming dahilan kung bakit yumaYakap sa Islam ang mga
taong katulad ko. Huwag nating kakalimutang ang simpleng ngiti ay napakalaking
tulong upang makaramdam ng kalinga ang isang taong nagdaraan sa napakaraming
pagsubok sa buhay. Magsilbi sana tayong tulay sa mga taong naghahanap ng tamang
patnubay.
Pahabain pa sana ng Allah ang buhay ko upang
makatulong sa agama at sana’y tanggapin Niya ang lahat ng aking mga pagsisikap at patawarin ako sa aking
mga kasalanan. Ameen In sha Allah.
Mula sa manunulat.
Si Kapatid na Abdul Raszhid Mauricio ay kasalukuyang estudyante
sa Mataas na Paaralan ng Juan Sumulong. Malinis at maayos ang Masjid Noor sa
Farmers Plaza, Cubao dahil sa pagsisilbi niya bilang tagapaglinis ng nasabing
bahay-sambahan ng mga muslim. Ang masjid na ring ito ang bago na niyang
tambayan at sangtuaryo para sa lalo pang ikalalawak ng kanyang kaalaman hinggil sa
pananampalatayang Islam.
Nawa’y patatagin siya ng Allah sa pananampalataya at gabayan
tungo sa tuloy-tuloy na paglilingkod sa Islam. Mabuhay ka KaYaKap na Abdul Raszhid!
Ang kuwento ng buhay at paglalakbay ng ating mga kababayan
tungo sa tuwid na daan ng kaligtasan ay isang malaking kontribusyon sa
pagbibigay inspirasyon. Naniniwala ang may-akda na maaari itong gamitin upang
magsilbing daan din para sa iba na higit na maunawaan ang dahilan sa hindi na
mapigilang pagYakap ng tao sa Islam. Kaya naman, ang KaYaKap o Kabayan Yakap ang Kapayapaan blog ay inilunsad para sa
adhikain ito. Subaybayan po natin ang ilan pang mga kuwento ng buhay at
paglalakbay ng ating mga kababayan dito sa KaYaKap (Insha Allah). Ang Kapayapaan Habag at Pagpapala ng
Dakilang-Lumikha may mapa-sa atin po sanang lahat. Muli, Assalamu Alaikum wa
Rahmatullahi wa Barakatuh.
MA SHA ALLAH.. BRO.... MABROK....
TumugonBurahinProud of you nothing is impossible kung desidido ka tlgang mag bago keep it up
TumugonBurahin